Isiniwalat ng action star na si Jeric Raval na may tatlong bagay lang siyang ipinakiusap sa aktor na si Aljur Abrenica, nobyo ng kaniyang anak na si AJ Raval.

Sa panayam sa “Fast Talk with Boy Abunda” noong Agosto 23, naitanong kay Jeric kung kumusta sila ni Aljur.

Jeric Raval aminadong hindi kinayang panoorin ang pelikula ng anak na si AJ

“Nung una syempre kinausap ko si Aljur dahil ‘yung anak ko bata lang,” saad ng action star.

“Sabi ko lang kay Aljur, ‘ikaw ba ay hiwalay?’ ‘opo’ ‘alam mo tatlong bagay lang ang ipapakiusap ko sa’yo,’” dagdag pa niya.

Sumunod nito binanggit niya ang tatlong bagay na ipinakiusap niya kay Aljur.

Una, ‘yang anak ko bata pa ‘yan. Pangalawa, ‘yung biyenan mo kaibigan ko. Eh ano kayang sasabihin ko sa biyenan mo ‘pag nagkita kami baka sabihin kinukunsinti ko kayo. I-ayos mo muna ‘yung sarili mo iho wala naman akong problema sa inyo dahil buhay n’yo ‘yan eh. Pagdating sa buhay-pag-ibig ng anak ko hindi ko na saklaw ‘yun,” saad pa ni Jeric.

Ang tinutukoy niyang biyenan ni Aljur ay ang actor-turned-politician na si Senador Robinhood “Robin” Padilla, ama ni Kylie Padilla.

Pangatlo, sabi ko sa kaniya ang anak ko gusto ko pakasalan mo. Basta kapag ayos ka na, wala ka nang problema, pakasalan mo ‘yung anak ko,” huling sabi ng action star.

Noong Marso 23, 2022, natanong ng Philippine Entertainment Portal o PEP kay Jeric kung kumusta na ba sina AJ at Aljur. Aniya, nagmamahalan daw ang mga ito kaya wala siya umanong karapatan para hadlangan ang kasiyahan ng dalawa.

Kahit na ganoon, nasasaktan daw si Jeric kapag naririnig niyang sinasabihang “kabit” ang anak niya.

“Masakit, siyempre, nasasaktan ako. Siyempre, inaalagaan ko ang anak ko, pinalaki ko nang maayos. Pag naririnig ko ang mga ‘yun, pasok na lang dito, labas na lang dito. Buti nga wala akong social media, eh. Wala akong Facebook, wala akong lahat, ni Instagram.

“Sabi ko nga sa anak ko, ‘Yung relasyon ninyo, anak, sa ayaw at sa gusto mo, damay ako diyan.'”

“Laging mababanggit ang pangalan ko. Laging tatanungin, ‘Ano ang reaksyon mo? Ano ang payo mo?’

“Sinasabi ko sa kanya lagi, lalo na doon sa lalaki, kailangan lahat nasa tama, nasa ayos,” pagbabahagi pa ni Jeric.

Maki-Balita: AJ at Aljur ‘nagmamahalan’ daw, buking ni Jeric; nasasaktan kapag tinatawag na ‘kabit’ ang anak

Samantala, magkakaroon ng pelikula sa Vivamax sina AJ at Aljur na may pamagat na “Sugapa” na mapapanood ngayong Biyernes, Agosto 25.

Maki-Balita: ‘True to life?’ Movie title ng pelikula nina AJ, Aljur dinogshow ng netizens

Kaugnay na Balita: Jeric Raval aminadong hindi kinayang panoorin ang pelikula ng anak na si AJ