Lumakas pa ang bagyong Goring at isa na itong ganap na severe tropical storm, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) nitong Biyernes ng hapon, Agosto 25.
Sa tala ng PAGASA kaninang 5:00 ng hapon, huling namataan ang sentro ng Severe Tropical Storm Goring 260 kilometro ang layo sa silangan ng Calayan, Cagayan, na may maximum sustained winds na aabot sa 110 kilometers per hour malapit sa sentro at pagbugsong 135 kilometers per hour.
Mabagal itong kumikilos patimog-silangan.
Dahil dito, itinaas sa Signal No. 1 ang mga sumusunod na lugar:
- Batanes
- Silangang bahagi ng Babuyan Islands (Babuyan Is., Camiguin Is.)
- Silangang bahagi ng mainland Cagayan (Santa Ana, Gonzaga, Lal-Lo, Gattaran, Baggao, Peñablanca, Santa Teresita, Buguey, Camalaniugan, Aparri)
- Silangang bahagi ng Isabela (Maconacon, Divilacan, Palanan, Dinapigue, San Mariano, San Pablo, Cabagan, Tumauini, Ilagan City)
Base sa forecast track ng PAGASA, posible pang lumakas ang bagyo at itaas sa typhoon category sa bukas ng Sabado, Agosto 26.
Samantala, inihayag din ng PAGASA na inaasahang palalakasin ng bagyo ang southwest monsoon o habagat na magdadala rin ng occasional rains sa kanlurang bahagi ng Central at Southern Luzon simula bukas at sa kanlurang bahagi ng Visayas sumula sa Linggo, Agosto 27.