Sinibak sa puwesto ang walong lokal na opisyal at personnel ng Port Management Office (PMO) Bohol dahil sa umano’y “unethical conduct” ng mga ito matapos magsagawa ng birthday party at mag-inuman sa loob ng multi-purpose hall ng opisina.

Base sa inisyal na imbestigasyon, ginanap ang naturang party at inuman noong araw ng kaarawan ni PMO Bohol acting manager Lord Tyrone Agaton noong Miyerkules, Agosto 16.

Makikita naman umano sa Closed Circuit Television (CCTV) footage na nakakonekta sa Philippine Port Authority (PPA) Head Office sa Maynila ang ilang mga opisyal at empleyado ng PMO Bohol na nagkakantahan at nagsasayawan habang tumutugtog ang live band na kanilang kinuha nitong Miyerkules ng gabi.

Nakarating din umano sa opisina ni PPA General Manager Jay Daniel Santiago na ginamit din sa kasiyahan ang mga mesa at upuang ginagamit sa mga pagpupulong at opisyal na transaksyon ng gobyerno.

Probinsya

Catanduanes, niyanig ng magnitude 6.1 na lindol

Nagmistulang bar umano ang multi-purpose hall sa gitna ng pagkanta ng live band ng hit song ni Bon Jovi na “It’s My Life” habang makikita ring dumalo ang top officials at ilang port police officers.

“Walang puwang sa pamahalaan ang mga opisyal na ginagawang inuman ang opisina, kahit birthday o anumang okasyon hindi dapat umiinom ng alak sa opisina. Dapat nga sila pa mismo ang nangunguna sa pagpapanatili ng kaayusan sa pantalan at hindi nangunguna sa pagiging hindi magandang ehemplo sa kanilang mga nasasakupan sa Bohol,” ani Santiago.

“Kahit saang anggulo mo tingnan, mali talaga eh, buti na lang mayroon tayong mga gumaganang CCTV o yung surveillance system natin sa buong pantalan na sakop ng PPA na na-momonitor natin sa head office,” saad pa niya.

Kabilang naman sa mga sinibak sa puwesto si Lord Tyrone Agaton, na katatalaga lamang bilang manager ng PMO Bohol nitong Hunyo 1. Kasama rito nito sina PMO Bohol Port Services Division Manager Julius Jumangit; Atty. Sherlito Columnas Jr. ng Legal Department; at Safety Officer Atty. Romeo Cabading II.

Sinibak din umano ang limang port police officers na kinilala bilang Edcel Epan, Victor Cagulada, Mary Maricka Aguirre, Meljann Oronan, at Emily Ross Tubio.

Humingi naman ng tawad si Agaton sa nangyari, at sinabing nadala lamang daw sila ng kalasingan sa alak kaya't nakuha umano nilang mag-inuman, magsayawan, at magkantahan sa loob ng opisina sa pantalan.

Pinalitan naman na umano si Agaton ni Jon Gabriel Manansala bilang acting manager ng PMO Bohol.