“Nangangalmot ba ‘yang pusa mo? Hindi, nanghuhusga lang!”

Kinaaliwan sa social media ang Facebook post ni Kathlene Mae Ocampo, 25, mula sa Batangas City tampok ang kaniyang pusa na tila “naghuhusga” raw kung makatingin.

Sa eksklusibong panayam ng Balita, ibinahagi ni Ocampo na naglalaro lamang sila ng kaniyang 4-month-old baby cat na si “Nala” nang bigla na lamang daw nitong ipamalas ang kaniyang tila mataray ngunit cute na cute na tingin.

“Nakikipaglaro lang naman si Nala sa'kin noong una. Tapos natigilan siya sa sulok. Nagtaka ako bakit bigla siyang napatigil makipaglaro, so sinilip ko. Pagsilip ko sa kaniya, nakatingin siya sa’kin na parang minamasdan niya 'ko mula ulo hanggang paa,” kuwelang pagsasalaysay ni Ocampo.

Human-Interest

Guro, nakatanggap ng manok, mga rekadong pantinola mula sa pupil

“Kahit noong ma-videohan ko siya, ganun pa rin siya makatingin, na parang ang laki ng kasalanan ko sa kaniya. First time niyang maging ganoon, so tawang tawa talaga ako. Natigilan tuloy ako at napaisip kung saang part ko siya na-offend sa paglalaro namin,” saad pa niya.

Natuwa naman daw siya sa naturang tingin sa kaniya ni Nala kaya’t naisip niyang i-post ito sa Facebook group na “CATS & KITTENS Philippines.”

Marami namang kapwa niya fur parents ang natuwa rito. Narito ang ilang komento ng netizens:

“Makuha ka daw po sa tingin.”

“Taray ng Mingming na ‘yan ahhh!!!”

“Ang kyoooot.”

“Cute naman da baby pwede pakurot!”

“Ang pretty naman nyan bb na yan .”

Sa ngayon ay umabot na sa mahigit 18,000 reactions, 1,300 comments, at 3,400 shares ang naturang post.

Proud at happy “meowmy” naman daw si Ocampo dahil maraming natuwa kay Nala. Masaya rin daw siya tuwing kalaro niya ito at ang siyam na iba pa niyang baby cats.

Nais mo bang mai-feature ang iyong storya o ‘di kaya mayroon kang larawan at video na gusto mong i-share? I-message mo lang kami sa aming Facebook at Twitter!