Ipinamahagi na ng Mandaluyong City Government ang mga libreng kagamitang pang-eskwela at uniporme para sa mga kasalukuyan at bagong estudyante sa lahat ng pampublikong paaralan sa buong lungsod.

Nabatid nitong Miyerkules na ang turn over ceremony ay ginanap sa Mandaluyong City Hall.

Metro

Hinahanap daw ang anak: Lolo na may Alzheimer’s nahulog sa creek, nalunod!

Mismong sina Mayor Ben Abalos, Vice Mayor Menchie Abalos, at Mandaluyong Schools Division Office (SDO) Superintendent Dr. Aurelio Alfonso ang nanguna sa aktibidad.

Kabilang sa mga kagamitang pang-eskwela na matatanggap ng mga estudyante mula daycare, kinder hanggang Grade 12 ay mga notebook, diaries, at school bags.

Para naman maiwasan ang paghihiraman sa mga libro, bawat estudyante ay makatatanggap ng mga libro sa lahat ng kanilang mga subject.

Makatatanggap din ang mga estudyante ng libreng uniporme kasama ang P.E. uniform, medyas, at sapatos. Mayroon ding cycling shorts para mga babaeng estudyante sa elementary at high school, at black tights para sa mga estudyante sa daycare at kinder.

Ayon kay Mayor Abalos, ang pamamahagi ng mga kagamitang pang-eskwela at uniporme ng mga estudyante ay taunang ginagawa ng pamahalaang lungsod para mabawasan ang mga gastusin ng mga magulang.

Aniya, nais nilang ang pagpasok na lang sa eskwelahan ang kailangang gawin ng mga bata.

Kaugnay nito, nagpahayag naman ng pasasalamat si SDO Superintendent Alfonso sa suportang ibinibigay ng pamahalaang lungsod sa lahat ng pampublikong paaralan sa buong lungsod.