Nagsalita na ang pastor na usap-usapan sa social media na inaakusahang “sugar daddy” umano ng girlfriend ng pinaslang na Mister Cagayan de Oro candidate kamakailan, at siya pa raw ang umano'y utak sa pagkamatay ng biktima.

Matatandaang napabalita noong Mayo 9 ang naging pamamaril umano sa Mister CDO candidate na kinilalang si Adriane Rovic Fornillo, 23, nang magtungo ito sa Barangay Nazareth para sa paghahanda niya sa nalalapit na pageant.

Inihayag naman ni Police Lt. Col. Evan Vinas, tagapagsalita ng Cagayan de Oro City Police Office (COCPO), sa ulat ng Manila Bulletin noong Mayo 16 na tumugma ang mga detalyeng ibinigay ng mga testigo sa paglalarawan ng tinitingnan nilang tatlong persons of interest sa kaso.

"Dayon ang mga CCTV (closed-circuit television) footages ato paman to gipang-enhance aron makatabang sa pagpangita og solusyon sa panghitabo (‘Yung CCTV footages ay in-enhance namin bilang bahagi ng paghahanap ng solusyon sa insidente),” ani Vinas sa Manila Bulletin.

Probinsya

Catanduanes, niyanig ng magnitude 6.1 na lindol

Lumabas umano sa inisyal na imbestigasyon, batay sa CCTV footage na nakuha ng mga awtoridad, na sakay ang suspek ng isang "bao-bao" tricab.

Kaugnay nito, sinabi ni Police Capt. Bayron John Ratunil, Nazareth police station chief, sa mga mamamahayag na maaaring “pageant-related” umano ang motibo ng pamamaril.

"Posible man gihapon pero para sa akong heart, dili na siya mao; dili na siya ang rason (Posible pa ring rason ‘yan, pero sa puso ko, hindi iyan ang rason)," saad naman umano ng tatay ng biktima sa isang panayam ng Bombo Radyo Cagayan de Oro.

Ayon pa sa tatay ng biktima, hindi naman daw nakatatanggap ng “death threats” ang kaniyang anak.

Sa ulat naman ng GMA noong buwan ng Hunyo, lumalabas umanong crime of passion o obsession ang lumalabas na motibo sa pagpaslang kay Fornillo dahil ayaw daw ng isa sa mga suspek na mapunta ang biktima sa iba.

Nagsampa na rin umano ng kaso ang pulisya laban sa tatlong indibidwal na nasa likod daw ng nasabing krimen.

Ang pagkadawit sa pastor

Nito lamang namang Agosto, kumalat sa social media ang umano’y dahilan ng pagpaslang kay Fornillo matapos mag-viral ang post ng girlfriend nito may pangalan sa Facebook na Jone Leanel Orog.

Ayon sa mga kumakalat online, “sugar daddy” umano ni Orog si Bishop Dimver Andales. 

Suportado pa umano ng pastor ang mga “luho” ni Orog, kung saan ginamit pa raw nito ang pera para bilhan ng “motor” ang nobyong si Fornillo. Umabot daw sa milyon ang naibigay umano ng pastor kay Orog. 

Sa nalalapit daw na kaarawan at graduation ng dalawa, binigyan daw ni Fornillo si Orog ng promise ring at ginawa pa umano nilang cover photo sa Facebook.

Doon na umano nagselos at nagalit ang pastor, hanggang sa humantong pa umano sa puntong pinapili nito ang babae kung siya o ang nobyo nito.

Ang nasabing pagseselos na umano ang dahilan kung bakit pinapaslang daw ng pastor si Fornillo.

Gayunpaman, pinabulaanan ito ng nadawit na pastor sa kaniyang panayam ng iFM CDO nito lamang Sabado, Agosto 12. Sinabi ni Andales na wala raw batayan ang mga isyung ibinabato sa kaniya.

Iginiit ng pastor na ilang buwan na ang nakalipas mula nang paslangin si Fornillo at nasa Bukidnon daw siya kasama ang kaniyang pamilya nang mangyari ang krimen.

Pinabulaanan din ni Andales na “sugar daddy” siya ni Orog dahil ang totoo raw ay “happily married” siya. Nanawagan din siya sa mga tao sa social media na maging mapanuri sa kanilang nababasa online dahil “dummy accounts” lamang daw ang nagpo-post ng mga isyu laban sa kaniya.

Dahil dito, balak umanong magkaso ng pastor sa taong nasa likod ng posts na naninira ng kaniyang pangalan lalo na’t tatakbo raw ang kaniyang anak sa paparating na barangay election.

Habang sinusulat ito’y wala pang pahayag ang pamilya ni Fornillo o si Orog hinggil sa mga impormasyong lumalabas sa social media.