TAYABAS CITY, Quezon — Patay ang isang 60-anyos na laborer nang matabunan ng lupa sa isang pribadong sementeryo sa Barangay Baguio dito noong Biyernes, Agosto 11.
Kinilala ni Tayabas City police chief Lt. Col. Bonna Obmerga ang biktima na si Cerilo Jasulin, residente ng nasabing lugar.
Ayon sa imbestigasyon, naghuhukay ng lupa ang biktima at ang katrabaho nito upang magtayo ng konkretong bakod sa Himlayang Paraiso Cemetery nang biglang gumuho ang lupa at natabunan siya.
Sinabi ni Investigator-on-case Police Master Sgt. Wendel Pornasdoro na dinala sa Tayabas City Community Hospital ang biktima ngunit ito ay binawian ng buhay dahil sa matinding pinsala sa ulo.
Hindi naman nasaktan ang kaniyang katrabaho.