Nanghina ang working student na si Randy Gasang Boganutan, 27, mula sa Quezon City matapos malaman na ang ₱14,000 na pinag-ipunan niya sa loob ng tatlong buwan para sa kaniyang tuition fee, nawala na parang bula dahil sa anay.

Sa eksklusibong panayam ng Balita, ibinahagi ni Boganutan na nagsisilbi siyang working student para magkaroon ng pantustos sa kaniyang pag-aaral lalo na't magtatapos na raw siya sa susunod na taon.

Habang nag-aaral ng kursong Bachelor of Science in Information Technology, pinapatakbo rin daw niya ang kanilang maliit na tindahan at nagtatrabaho bilang freelance model at freelance talent upang makapag-ipon para sa kaniyang tuition fee.

“Wala kasi akong bank account, kaya sabi ko dito na lang sa alkansya para araw-araw mahuhulugan,” aniya.

Tourism

World Architecture Day: Ilang makasaysayang gusali sa bansa na nananatili pa ring nakatayo

Sa kanilang tindahan naman daw niya isinilid ang kaniyang alkansyang gawa sa karton na binalot sa plastik. Puro paper bills din umano ang hinuhulog niya rito.

“Bills po lahat ‘yun, may mga ₱100, ₱1,000, ₱500.”

Sa ikatlong buwan ng kaniyang pag-iipon, bigla na lang daw ipinaalam ng kasamahan ni Boganutan sa tindahan ang napansin nito tungkol sa alkansya.

“Habang nagwawalis siya, nasagi ng walis niya ‘yung alkansya tapos bigla raw may pumatak na uod, tas sabi ko naman, ‘bakit may uod eh hindi naman ‘yan pagkain na inuuod?’”

Doon na raw siya napaisip kaya’t agad nitong pinuntahan ang alkansya sa tindahan.

“Pagkatingin ko po, ‘yun na po, nakain na pala ng anay,” saad ni Boganutan. “Noong nahawakan ko na po ‘yung inanay, doon na po ako umiyak. Doon na po ako naging emosyunal.”

Sa halos ₱20,000 daw na naipon ni Boganutan, ₱6,000 lamang ang kaniyang naisalba dahil tinupok ng anay ang lahat ng nasa ilalim na bahagi ng alkansya kung saan nakasilid din ang ₱1,000 bills na kaniyang naipon.

Ayon sa Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP), maaari pang palitan ang mga napunit, nasunog, o naanay na perang papel at polymer kapag ang mga ito ay 60% pang buo, may natira pang lagda ng BSP governor o ng pangulo, at nakikita pa rin ang security thread nito.

Samantala, inihayag ni Boganutan na nagtanong siya sa isang kakilala na nagtatrabaho sa bangko, at doon na raw niya nakumpirmang hindi na pwedeng palitan ang naanay niyang paper bills dahil sobrang nasira ang mga ito.

“Nag-consult ako before sa kakilala ko na sa bank nagwo-work, kaso ‘di na raw pwede ‘yung ganung hitsura kasi sobrang sira na at wala nang serial number," ani Boganutan.

“Parang lupa na siya, napudpod na, hindi na makita," saad pa niya.