Bangka, muntik lumubog sa N. Samar: 41 pasahero, 9 tripulante nasagip
Nailigtas ang 41 pasahero at siyam na tripulante matapos muntik lumubog ang sinasakyang bangkang de-motor sa karagatang sakop ng San Antonio, Northern Samar nitong Agosto 2.
Sa report ng Philippine Coast Guard (PCG), patungo na sana ang MBCA Spirit sa San Vicente, Northern Samar mula sa Victoria lulan ang mga nasabing pasahero at tripulante nang maganap ang insidente nitong Miyerkules.
Pagsapit nila sa bahagi ng Barangay Pilar ay biglang sumalubong at humampas ang malalaking alon na ikinasira ng unahang bahagi ng bangka.
Kaagad namang nagkasa ng search and rescue operation ang mga tauhan ng Coast Guard, Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO), San Antonio Municipal Police Station at iba pang mangingisda na ikinasagip ng mga sakay ng bangka.
Matapos makumpirma na nasa maayos na kondisyon, agad na inihatid sa San Vicente ang mga apektadong indibidwal.
Tatlong fishing boat ang humila sa nasabing bangka patungong San Antonio, ayon pa sa report ng PCG.