Sa pagsisimula ng pagdiriwang ng Buwan ng Wikang Pambansa ngayong Martes, Agosto 1, hinikayat ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang bawat mamamayan na mahalin ang wikang Filipino na siyang nagbubuklod umano sa mga Pilipino bilang isang bansa.

Sa kaniyang pahayag, binati ni Marcos ang mga Pilipino sa pagdiriwang ng Buwan ng Wikang Pambansa.

“Higit isang taon na ang lumipas mula nang maramdaman natin ang tamis ng tagumpay at alab ng ating pagkakaisa sa gitna ng mga pagsubok na ating kinahaharap. Sa katunayan, naniniwala ako na, sa ating pagsulong, dapat nating alalahanin ang halaga ng ating wika, pamana, at kultura na nagbubuklod sa atin bilang isang bansa,” mensahe ni Marcos.

“Sa pagkakataong ito, ating bigyang-pansin ang kapangyarihan ng wika hindi lamang sa pagbuo ng ating kaisipan at paraan ng komunikasyon, kundi pati na rin sa pagkintal ng ating patuloy na pagsulong at pagdala ng kolektibong karunungan sa bawat henerasyon. Sa pamamagitan ng wikang Filipino, ating ilahad ang mga kuwento at karanasang magiging matibay na saligan ng ating pag-unlad,” dagdag niya.

National

PBBM sa National Teacher's Day: 'I wish you a joyful and productive celebration'

Hinikayat din ni Marcos ang bawat mamamayan na ipakita ang kanilang pagmamahal sa bayan sa kanilang sariling paraan upang mangibabaw umano ang wika at kultura sa pagbuo ng pagkakakilanlan ng bawat Pilipino.

“Bilang mga Pilipino, ating yakapin ang diwa ng pagkakaisa at pagiging makabayan sa ating patuloy na pagpanday ng ating inaasam na dalisay na kinabukasan," ani Marcos.

“Muli, maligayang Buwan ng Wikang Pambansa sa ating lahat!”

Sa pangunguna ng Komisyon sa Wikang Filipino, ipagdiriwang ngayong taon ang Buwan ng Wikang Pambansa sa temang “Filipino at mga Katutubong Wika: Wika ng Kapayapaan, Seguridad, at Ingklusibong Pagpapatupad ng Katarungang Panlipunan.”