Nakalabas na ng Philippine area of responsibility (PAR) ang bagyong Falcon, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) nitong Martes ng hapon, Agosto 1.

Sa ulat ng PAGASA kaninang 5:00 ng hapon, lumabas ng PAR ang Typhoon Falcon dakong 3:30 ng hapon.

Huli umanong namataan ang bagyo 835 kilometro ang layo sa hilagang-silangan ng Extreme Northern Luzon sa labas ng PAR, na may taglay na lakas ng hanging aabot sa 175 kilometers per hour malapit sa gitna nito at pagbugsong aabot sa 215 kilometers per hour.

Kumikilos ito pa-west northwestward sa bilis na 15 kilometers per hour.

Eleksyon

VP Sara, dadalo sa miting de avance ng 'Duter10' ng PDP

Bagama’t nakalabas na ng PAR ang bagyo, pinalalakas pa rin umano nito ang southwest monsoon o habagat na siyang nagdudulot ng mga pagpaulan sa kanlurang bahagi ng Luzon sa susunod na tatlong araw.

Makararanas din umano ng pabugso-bugsong malalakas na hangin bukas (Miyerkules), Agosto 2, ang Batanes, Babuyan Islands, Ilocos Region, Nueva Vizcaya, Aurora, Zambales, Bataan, Bulacan, Pampanga, Metro Manila, CALABARZON, MIMAROPA, Bicol Region, kanlurang bahagi ng Northern Samar, malaking bahagi ng Cordillera Administrative Region at Western Visayas dahil sa habagat.