Hustisya ang sigaw ngayon ng pamilya ng isang 17-anyos na dalagita, na unang naiulat na nawawala, dahil sa karumal-dumal na sinapit nito.
Ang biktimang si Roselle Bandojo, 17-anyos, senior high school student sa Camarines Sur National High School, ay naiulat na nawawala noong Hulyo 23, 2023.
Sa isang Facebook post ng kaniyang kapatid na si Rochelle Bandojo, huling nakita si Roselle, base sa kuha ng CCTV, sa crossing ng Peñafrancia, M.T. Villanueva Avenue noong Hulyo 22 ng gabi.
Dakong 8:40 ng gabi, naglalakad umano ang biktima papunta sa isang convenience store para bumili ng pagkain. Makalipas ang 10 minuto, pauwi na ito at dumaan patungo sa Acacia St., Liboton, ngunit matapos no’n ay hindi na ito nakita.
Huling nakita si Roselle na may dalang payong, nakasuot ng puting tshirt, grey jogging pants, at naka-tsinelas.
Makalipas ang tatlong araw, Hulyo 26, sinabi ni Rochelle na kumikilos na ang mga pulis ngunit wala pa itong eksaktong lead kung nasaan ang kaniyang kapatid. Patuloy pa raw itong hinahanap ng mga awtoridad.
Noong Hulyo 28, nadiskubre ng mga awtoridad ang isang naaagnas na bangkay sa isang bakanteng lote sa Barangay Liboton nang i-report umano ng isang pedicab driver na may naamoy siyang hindi maganda.
Ayon sa ulat ng Brigada News FM Naga, nahirapan umano makapasok ang mga awtoridad sa isang abandonadong bahay dahil sa matataas na bakod at puno sa pribadong lote. Nang makapasok ay doon nakita ang nakabalot na naaagnas na bangkay.
Sa kanilang panayam kay PSMS Toby Bongon, hindi raw makilala ang bangkay dahil hindi rin mabatid kung ano ang kulay ng damit nito, at maging ang kasarian ay hindi kaagad natukoy.
Ayon pa rito malaki raw ang posibilidad na ito na ang nawawalang biktima pero binigyang-diin nito na susuriin pa ang bangkay.
Dagdag pa ng NCPO spokesperson na may nakuhang payong at plastic na may pangalan ng isang convenience store.
Noong Hulyo 29, kinumpirma na ng pamilya ni Roselle ang pagkakakinlanlan ng bangkay. May persons of interest na rin ang NCPO sa pagpatay sa 17-anyos.
Patuloy pa rin iniimbestigahan ng pulisya at National Bureau of Imbestigation (NBI) ang nasabing krimen.
Samantala, umabot na sa P300,000 ang pabuya sa kung sinuman ang makapagtuturo o makapagbibigay ng detalye sa pagkakakilanlan ng salarin o mga salarin.
Kinondena naman ng Camarines Sur National High School ang pagpaslang kay Roselle.