2 PCG personnel, sinibak dahil sa tumaob na bangka sa Rizal
Sinibak na ng Philippine Coast Guard (PCG) ang dalawa nilang tauhan na nakatalaga sa Binangonan, Rizal kasunod ng pagkasawi ng 26 na pasahero ng isang bangka na tumaob sa Laguna Lake sa nasabing bayan nitong Huwebes ng hapon.
Ayon kay PCG Commandant, CG Admiral Artemio Abu nitong Biyernes, iniiwasan lamang nilang hindi maimpluwensyahan ng dalawang tauhan nito ang isinasagawang imbestigasyon sa kaso.
Hindi na binanggit ni Abu ang pagkakakilanlan ng dalawa niyang tauhan.
Binanggit ni Abu na maliwanag ang kanyang kautusan sa regional commander ng Coast Guard na magsagawa ng "fair, honest at transparent" na pagsisiyasat sa kaso.
Aniya, dapat na magkaroon ng transparent sa usapin upang hindi sila masilip ng publiko.
Matatandaang sakay ng mahigit 60 pasahero ang MBCA Princess Aya nang umalis sa Barangay Kalinawan Port Binangonan patungong Talim Island nitong hapon ng Hulyo 27.
Gayunman, nasa 100 metro na lamang ang layo nila sa daungan nang hampasin sila ng malakas na hangin at malalaking alon na kaya tumaob ang bangka.