Inanunsiyo ng Philippine National Railways (PNR) nitong Huwebes na bubuksan na nilang muli ang biyahe ng kanilang mga tren sa rutang Naga-Ligao, simula sa Lunes, Hulyo 31.

Batay sa inilabas na abiso, sinabi ng PNR na magkakaroon muna ng dalawang biyahe ng tren kada araw sa nabanggit na ruta, na babagtas sa higit 67 kilometrong haba ng riles.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Nabatid na aalis ang unang biyahe ng PNR mula sa Ligao patungong Naga sa ganap na alas 5:30 ng umaga.

Ito ay susundan naman ng ikalawang biyahe ng tren, ganap na alas 5:30 ng hapon mula sa Naga patungong Ligao.

Tiniyak naman ng PNR na sa sandaling dumami ang mga pasahero na tatangkilik sa rutang Naga-Ligao, ay magdaragdag sila ng biyahe doon.

Sa pagtaya ng PNR, aabutin ng dalawang oras at 11 minuto ang biyahe mula Ligao patungong Naga at pabalik, gamit ang isang Diesel Hydraulic Locomotive (DHL) na mayroong limang passenger coaches na kayang magsakay ng higit 1,300 mga pasahero.

Nasa siyam na istasyon din ang magiging operational para pagserbisyuhan ang mga pasahero mula sa iba’t ibang lugar sa Albay at Camarines Sur, kabilang ang mga istasyon at flag stops sa Naga, Pili, Baao, Iriga, Bato, Matacon, Polangui, Oas, at Ligao.

Magsisimula anila ang pamasahe sa P15 para sa unang istasyon, at aabot sa P105 hanggang sa huling istasyon ng tren.

Bagama’t boluntaryo na ang pagsusuot ng face mask sa mga pampublikong transportasyon, ipinagbabawal pa rin ang pagkain at pag-inom sa loob ng mga tren, para sa mas ligtas at komportableng biyaheng PNR.

Matatandaang noong Abril 2017 nang suspendihin ng PNR ang operasyon sa rutang Naga-Legazpi dahil sa kakulangan ng rolling stock.