Dalawang propesor ang nasawi matapos mabangga ng isang jeep habang sila ay tumatawid sa Tiaong, Quezon nitong Miyerkules ng gabi.

Dead on arrival si Cheryl Baracael Bundalian, 27, dalaga, taga-Dolores, Quezon, sa Peter Paul Medical Hospital sa Candelaria.

‘Immortal love?’ Enrile at misis nagdiwang ng 67th wedding anniversary

Binawian naman ng buhay si Rosie Campus Dulay, 62, walang-asawa, taga-Sampaloc, Quezon, sa Candelaria United Doctors Hospital dahil sa pinsala sa katawan.

Ang dalawa ay guro sa Southern Luzon State University (SLSU)-Tiaong Branch.

Sugatan sa insidente ang isa pang kasamahan ng mga ito na si Salvo Ocampo Salvacion, 30, binata, taga-Brgy. Lagalag, Tiaong, at isinugod din Peter Paul Medical Center.

Nasa kustodiya na ng pulisya ang driver ng jeep na si Zaldy Mosquera, 63, taga-Purok 1, Brgy. Soledad, San Pablo City, Laguna.

Sa imbestigasyon ng pulisya, dakong 7:30 ng gabi, kagagagaling lang ng mga biktima sa isang meeting sa nasabing unibersidad tungkol sa nalalapit na graduation rites.

Tatawid na sana ang tatlo sa harap ng paaralan nang mabangga sila ng nasabing sasakyang may plakang VCG 366.

Inihahanda na ng pulisya ang kasong multiple homicide at serious physical injury laban kay Mosquera.