Kung nakiusap na kamakailan ang madir ng yumaong aktor na si Rico Yan sa mga partidong bumabanggit pa sa pangalan ng anak dahil sa naging rebelasyon ni Sabrina M, heto't may pasabog naman ang beteranang aktres na si Janice Jurado patungkol sa naging ugnayan naman nila ni "Da King" Fernando Poe, Jr.

Sa panayam at ulat ng isang pahayagan, sinabi raw ni Janice na nagkaroon sila ng relasyon noon ni Da King, at alam daw ito ng yumao na ring misis na si "Queen of Philippine Movie" Susan Roces.

Ayon pa raw kay Janice, pitong taon tumagal ang relasyon nina Janice at FPJ. Nakakaloka dahil sa "kuwadra" o sa bahay raw nagtatagpo ang dalawa.

Nakawiwindang din ang sinabi ni Janice na kung hindi siya naaksidente at naapektuhan ang matres niya ay willing siyang pabuntis kay FPJ kahit apat pa!

Pamilya ni Rico Yan, nakiusap na patahimikin na ang kaluluwa ng anak

“Sayang nga punye*a. Naku kung ako nabubuntis pa no'n, magpapaanak ako kahit apat,” walang prenong sabi raw ni Janice.

“Kasi no'ng time na ‘yon naaksidente na 'ko, pumasok ‘yong manibela sa tiyan ko, tumama sa matres ko,” aniya pa.

Pag-amin din ni Janice, may mga nakarelasyon din siyang politiko at artista noon na may mga asawa rin.

Dahil magkasama sila ngayon ng anak ni FPJ na si Lovi Poe sa "FPJ's Batang Quiapo," naikuwento raw niya rito ang namagitan sa kanilang dalawa ng tatay niya.

"Kinuwento ko talaga sa kaniya," ani Janice.

"Anong reaksiyon niya?" tanong ng interviewer.

"Wala! Napakabait na bata ni Lovi."

Sey naman ng mga netizen, parang "Sabrina M version 2.0" daw ang peg ngayon ni Janice matapos ngang ungkatin ng dating sexy star ang nakaraan umano nila ng ex-boyfriend ni Optimum Star Claudine Barretto.

"Parang Rico Yan hahahaha."

"Patahimikin na po si the king idolo ng masa at makatao siya tulad natin nagkakamali din umibig lang siya."

"Hay naku patahimikin na po ang patay!"

"Bakit po kaya parang hindi nirerespeto 'yong mga patay na artista, una si Rico Yan, tapos heto si FPJ naman, hindi ba kayo nahihiya patay binabastos n'yo pa."

"Sana maimbestigahan ni Sen. Grace Poe sa senado kung totoo ang sinasabi ni Janice!"

"Kawawa naman ang mga namatay na na maraming lihim... inuungkat ng mga nakarelasyon."

Magkasama sina Janice at Sabrina sa pelikulang "Manang" na nagsisilbing come-back movie nila.

Samantala, wala pang tugon, reaksiyon, at pahayag ang kampo ni FPJ hinggil sa isyu.