Isang caregiver ang natagpuang patay sa loob ng isang plastic drum na nasa bakuran ng bahay ng kanyang mga amo sa Cainta, Rizal nitong Lunes ng hapon.

Ang biktima ay nakilalang si Maribel Miano Bacsal, 42, at residente ng naturang lugar.

Batay sa ulat ng Cainta Municipal Police Station, nabatid na dakong alas-2:00 ng hapon nang madiskubre ang bangkay ng biktima sa loob ng plastic drum na inabandona sa bakuran sa tahanan ng kanyang mga amo at matatagpuan sa 543 Herrera St., Brookside Hills Subdivision, San Isidro, Cainta, Rizal.

Nauna rito, nakatanggap umano ang mga barangay tanod ng Brookside Annex Satellite 4 ng ulat mula sa mga residente na may masangsang na amoy na nagmumula sa bakuran ng naturang tahanan.

72 PDL's ng Manila City Jail, naka-enrol sa PUP Open University

Nang beripikahin ay dito na nadiskubre ng mga barangay tanod ang bangkay ng biktima na nakasilid sa isang asul na plastic drum, na pinatungan pa ng isang plastic drum.

Nabatid na huling nakitang buhay ng mga kaanak ang biktima noong Hunyo 28 matapos na pumasok sa trabaho ngunit hindi na nakauwi pa.

Nang hanapin ng kanyang tiyahin sa bahay ng kanilang mga amo, na isang bed ridden at isang senior citizen na uugud-ugod pa, ay sinabi umano ng mga ito na hindi nila nakita ang biktima dahil hindi ito pumasok sa trabaho.

Sa ulat naman ng Cainta Police, sinasabing isang Kenneth Tan ang itinuturing nilang person of interest sa krimen.