Pananambang sa photojournalist, walang kaugnayan sa trabaho -- QC Police chief
Walang kaugnayan sa kanyang trabaho ang panabambang kay photojournalist Joshua Abiad sa Quezon City kamakailan.
Ito ang paglilinaw ni Quezon City Police District (QCPD) chief, Brig. Gen. Nicolas Torre III sa isang television interview nitong Linggo.
“Sa ngayon pwede ko na sabihin talaga, this is not an attack on journalists. Alam na namin kung saan sila sinimulang pick up-in ng surveillance, saan nagsimulang mag-posisyon ang gunman, kailan, anong oras, pati ang kanilang route ng escape,” anang opisyal.
Nauna nang sinabi ng pulisya na hindi muna nila isasapubliko ang motibo sa krimen upang hindi mabulilyaso ang resulta ng pagsisiyasat.
Nitong Huwebes ng hapon, pinagbabaril ng mga suspek ang sinasakyan ni Abiad at ng mga kaanak nito sa Corumi St., Brgy. Masambong sa lungsod.
Sugatan si Abiad at mga kaanak nito sanhi ng mga tama ng bala at kasalukuyan pa silang nagpapagaling sa ospital.