“To those people who discriminate against me being deaf, thank you!”

Marami ang naantig sa post ni Jude Karlos Saniel, 29, mula sa Passi City, Iloilo tampok ang kaniyang tagumpay na pagtatapos sa isang pampublikong paaralan sa kolehiyo sa kabila umano ng diskriminasyong natanggap niya dahil sa kaniyang kondisyon sa pandinig. 

Sa panayam ng Balita, ibinahagi ni Saniel na pangarap talaga niyang makapagtapos ng pag-aaral kaya’t nagsumikap raw siya sa kabila ng mga diskriminasyong ibinabato sa kaniya ng ibang tao at mga nagsasabing hindi niya kaya lalo na sa kaniyang kondisyon.

“Kahit sinabihan nila ako na mahihirapan ako. Iniisip ko sa sarili ko na kakayanin ko ‘yun kahit mahirap,” aniya.

Human-Interest

Guro, nakatanggap ng manok, mga rekadong pantinola mula sa pupil

Para makaipon sa pang-kolehiyo, nagtrabaho muna raw si Saniel bilang massage therapist. Tinulungan din daw siya ng kaniyang tatay na isang single father at magsasaka para matupad ang pangarap niyang makatapos ng pag-aaral.

Taong 2019 nang sa wakas ay makatungtong sa kolehiyo si Saniel at kinuha ng kursong Bachelor of Science in Information Technology sa Passi City College. 

Nagpapasalamat daw siya dahil pagdating sa loob ng unibersidad ay mababait ang mga tao, at hindi siya nakatanggap ng pangungutya mula sa kaniyang mga kaklase. Gayunpaman, ayon kay Saniel, hindi maiiwasang makaranas ng mga pagsubok dahil daw sa kaniyang kondisyon at katayuan sa buhay.

“‘Yung mga taong nakakaintindi sa'kin, madalas nahihirapan ako makipag-communicate sa kanila kasi bingi ako, especially with some strangers,” kuwento ni Saniel. “Minsan problemado ako sa mga bayaran sa school saka kapos sa pera si tatay.”

Sa kabila ng mga naturang balakid, sinikap ni Saniel na makipag-ugnayan nang maayos sa ibang tao sa pamamagitan ng pagsusulat sa papel, pag-type sa cellphone o computer. 

“Kadalasan sa close sa’kin, lapit tenga,” kuwento niya.

Ginagamit din daw ni Saniel ang kaniyang talento sa pagguhit para maresolba ang mga pampinansyal niyang problema lalo na tuwing may mga bayarin sa eskuwelahan

“May nagpapagawa po sa akin ng mural arts, digital art, portrait, painting, poster for art projects na mga student both elementary, high school and college. Minsan may gustong magpapaturo sa’kin at binabayaran nila ako. Bukod sa arts, kumikita ako sa pagmamasahe, pagtitinda ng gulay o prutas,” kuwento ni Saniel.

Sa lahat ng kaniyang pinagdaanan, sinabi ni Saniel na worth it ang pagsisikap niya at ng kaniyang ama dahil, sa darating na Hulyo, makakatungtong na siya ng stage at makakamit na ang inaasam na diploma.

“Para sa mga taong humadlang sa’kin sa pagiging DEAF ko at iba pang masasakit na salitang binibitawan niyo sa'kin, Salamat po! It motivated me how to be strong because God always by my side,” mensahe ni Saniel sa kaniya Facebook post na umabot na sa mahigit 1,400 reactions, 650 comments, at 409 shares.

“To my Single Dad who supports me from the blood and sweat, [who] worked hard to educate me, Graduate na po ang nag-iisang anak nyong bingi!!!” saad pa niya.

Nais mo bang mai-feature ang iyong storya o ‘di kaya mayroon kang larawan at video na gusto mong i-share? I-message mo lang kami sa aming Facebook at Twitter!