Patay ang isang buntis sa United States at kaniyang hindi pa isinisilang na supling matapos umano siyang aksidenteng mabaril ng kaniyang dalawang taong gulang na anak sa likod gamit ang isang handgun na naiwan sa kanilang bahay.

Sa ulat ng Agence France-Presse, sinabi ng hepe ng pulisya na si David Smith noong Martes, Hunyo 20, na tumawag ang 31-anyos na si Laura Ilg sa 911 noong Hunyo 16 ng hapon para ipaalam na aksidente siyang nabaril sa likod ng 2-anyos niyang anak gamit ang isang firearm.

Agad naman umanong nagtungo ang mga pulis sa tahanan nina Ilg sa Norwalk, Ohio, at dinala siya sa ospital.

Sa kasamaang palad, hindi na nakaligtas ang bata sa sinapupunan ni Ilg matapos ang emergency c-section, ayon kay Smith.

Internasyonal

Mahigit 40 unggoy, nakatakas sa isang research compound sa South Carolina

Nasawi rin daw si Ilg mula sa kaniyang injuries matapos ang ilang oras.

Ayon kay Smith, may malay pa si Ilg nang dumating ang mga pulis sa bahay nito at sinabi sa mga opisyal na habang naglalaba siya, nakapasok ang kaniyang 2-anyos na anak sa karaniwang nakakandadong kwarto at nagsimula nang maglaro ng baril.

Natagpuan umano ng mga pulis ang isang Sig Sauer Micro 9mm handgun sa isang nightstand gayundin ang dalawa pang kargado ng baril.

Sinabi naman ng asawa ni Ilg, na wala sa kanilang bahay nang mangyari ang insidente, na pag-aari niya ang mga naturang baril.