Usap-usapan ngayon ang isang art card kung saan makikitang "The Limitless Star Coach" na ang ibinigay na title kay Julie Anne San Jose, isa sa apat na coaches ng "The Voice Generations" na mapapanood sa GMA Network.

Matatandaang pumalag ang fans ni "Magandang Buhay" momshie host Jolina Magdangal sa titulong "Pop Icon" ni Julie Anne dahil si Jolens daw ang tunay na may karapatan sa titulong ito, sa dami ng achievements niya hindi lamang sa musika kundi sa serye, pelikula, at pagpapauso ng kung ano-ano, lalo na noong 90s.

Sa isang Facebook page na may pamagat na "The Voice Generations Philippines," napansin ng mga netizen na hindi na "Pop Icon" ang titulong nakalagay sa art card para kay Julie Anne, kundi "The Limitless Star Coach" na. Hango ito sa titulo niyang "Asia's Limitless Star."

May caption itong "#TVGCoachJulie reporting for duty! Choose her and together, you'll be LIMITLESS!

Eleksyon

Ex-Pres. Rodrigo Duterte, tatakbong mayor sa Davao City; ayaw tumakbong senador?

Catch her on #TheVoiceGenerations soon! #TVGCoachesReveal," na uploaded kahapon ng Martes, Hunyo 13.

Julie Anne San Jose (Larawan mula sa FB page na may title na "The Voice Generations Philippines")

Ang naturang FB page ay may 5.1k likes at 7.5k followers at hindi verified o walang blue check; kaya hindi masasabing lehitimong Facebook page talaga ito na ginawa ng GMA Network para sa TVG.

Ibinahagi na rin ang bagong art card sa iba't ibang social media pages gaya ng "Tatak Pelikula" at iba pa.

Sinilip ng Balita ang opisyal na Facebook page ng TVG, Sparkle, o mismong GMA Network subalit walang makikitang ganitong art card, at ang makikita pa rin ay ang pinag-usapang "Pop Icon" art card. Wala rin silang panibagong upload patungkol sa bagong title ni Julie Anne. Wala ring opisyal na pahayag tungkol sa isyu.

Batay naman sa comment section, sey ng mga netizen ay sana raw "matahimik" na ang fans ni Jolina dahil dito.

Samantala, wala pang tugon, reaksiyon, opisyal na pahayag, o kumpirmasyon ang pamunuan ng TVG, kampo ng GMA, o maging si Julie Anne tungkol sa title issue na ito.

MAKI-BALITA: ‘Sinong tunay na Pop Icon?’ Fans ni Jolina, Julie Anne nagbardagulan