Iniulat ni Manila Mayor Honey Lacuna nitong Biyernes na may 11,620 unemployed individuals sa Maynila ang nabigyan na ng trabaho at marami pa ring trabaho ang naghihintay para sa mga jobseekers.

Ayon kay Lacuna, ang nasabing bilang ay mula sa unemployed sector.

Sila ay nabigyan ng trabaho ng pamahalaang lungsod ng Maynila mula Enero 1 hanggang Hunyo 7, 2023.

"Congratulations po sa inyong lahat at sa atin pong employers na walang sawang tumutulong sa lungsod ng Maynila, maraming, maraming salamat po at sana ay 'wag po kayong magsawa na tumulong sa ating mga kababayan dito sa ating lungsod," anang alkalde.

Metro

Iskedyul para sa Undas, maagang inilabas ng Manila North Cemetery

Tiniyak pa ni Lacuna na ang probisyon sa pagkakaroon ng trabaho ay isang tuloy-tuloy na programa o job fairs na ginagawa ng Public Employment Service Office (PESO), na pinamumunuan ni Fernan Bermejo.

Nabatid na sa "Kalinga sa Maynila," ng alkalde, isang lingguhang public forum na ginagawa sa iba't-ibang barangay kung saan ang  pangunahing serbisyo ng City Hall, ay ibinababa sa bawat barangay tulad ng  job fairs kung saan may 421 job seekers ang hired on the spot.

"Nakapag-ugnayan na kayo, nasabi n'yo pa sa pamahalaan ang problema ninyo and at the same time, nakapag-avail pa kayo ng services, plus kung naghahanap kayo ng trabaho, baka ma-hire pa kayo on the spot," aniya pa

Para sa mga hindi nakarating sa lingguhang "Kalinga sa Maynila" na ginagawa tuwing Miyerkules, siniguro ni Lacuna na mayroon pang ibang paraan para makahanap ng trabaho, tulad ng special recruitment activity sa PESO annex office, Park 'N Ride Building, Lawton, Ermita, na magsisimula sa June 13, 2023, Lunes hanggang Biyernes, mula 9 ng umaga hanggang alas 2 ng hapon.     

Samantala, sinabi ni Bermejo na sa 11,620 na nalikha, 3,060 ang hired on the spot; 4,876 ay placement reports ng mga employers; 2,366 ang Joyride Philippines; 200 sa Borzo Philippines; 16 ang sa Lalamove Philippines at 91 ang TUPAD beneficiaries.

Sa placement report of employers, sinabi ni Lacuna na 22 ang senior citizens at 12 ang persons with disabilities (PWDs) na tinanggap ng Shakeys; 17 senior citizens at 15 PWDs naman sa Jollibee at apat na PWDs at apat na  senior citizens naman sa Peri-Peri habang 33 senior citizens naman sa KFC.

Sa ilalim naman ng  special program for the employment of students (SPES), 46 ang natanggap sa KNC Group of Companies; 32 sa Coffee Bean & Tea Leaf, at tatlo sa Lay Bare.  

Sa job fair na ginawa sa Universidad de Manila kamakailan, may 531 rin ang hired on the spot.

Sinabi ng alkalde na ang city government ay patuloy na naghahanap ng  senior citizens na kaya pang magtrabaho at naghahanap ng trabaho.