Tumindi pa ang pag-aalburoto ng Kanlaon Volcano at Bulkang Mayon sa nakaraang 24 oras.
Sa observation period ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs), ang 34 beses na volcanic earthquake ng Kanlaon ay naitala mula 5:00 ng madaling araw ng Sabado (Hunyo 3) hanggang 5:00 ng madaling araw ng Linggo, Hunyo 4.
Nitong Mayo 23, naitala ng Phivolcs ang ibinugang 206 toneladang sulfur dioxide ng bulkan.
Naobserbahan pa rin ng ahensya ang ground deformation o pamamaga ng bulkan.
Nasa level 1 pa rin ang alert status ng bulkan kaya't ipinagbabawal pa ring lumapit at pumasok sa 4-kilometer radius permanent danger zone (PDZ) nito.
Dahil dito, lalo pang lumakas na posibilidad na magkaroon ito ng phreatic explosion anumang oras.
Naitala naman ang 21 na rockfall events sa Mayon Volcano sa nakalipas na 24 oras.
Gayunman, hindi nakitaan ng pamumula ang crater o bunganga ng bulkan.
Nagpakawala namang ito ng usok na umabot sa 600 metrong taas.
Panawagan pa rin ng Phivolcs, bawal pa rin ang publiko sa 6-km. radius PDZ dahil sa inaasahan pang pagragasa ng mga bato at lahar kapag nagkaroon ng matinding pag-ulan.
Nananatili rin ang Alert Level 1 Status nito hangga't hindi tumitigil sa pag-aalburoto.