Tinatayang 300 indibidwal ang lumahok sa "Animal Rights March" sa Maynila nitong Sabado, Hunyo 3, upang ipakita umano ang kanilang suporta laban sa animal cruelty.
Ang Animal Rights March ay isang taunang kaganapan na inoorganisa ng independent local animal rights activists na nakabase sa Maynila at mga kalapit na lalawigan.
Sa kanilang pagmartsa, pumunta ang animal rights activists sa harap ng Manila Zoo at Manila Ocean Park dala ang kanilang mga karatula upang talakayin ang buhay ng mga hayop sa loob ng mga zoo.
Ayon sa animal rights activists, nagdudulot ang mga kulungan at aquarium sa mga zoo park ng pagkabalisa at depresyon sa mga hayop.
"We literally stole their freedom by putting them inside zoos and marine parks, " anila.
Nagpahayag din ng kanilang mensahe ang ibang independent animal rights activists.
"Tayo lang ang meron sila. Kailangan natin maniwala sa ating mga sarili na may kakayahan tayo na gumawa ng malaki at matinding pagbabago sa mundong ito para sa mga biktima—para sa mga hayop," saad ni Jofer Santos, isa sa organizers ng naturang Animal Rights March.
Nagbigay rin ng kaniyang talumpati si Manila Vegans Founder Nancy Siy. Aniya: "Ang dami na natin. Dati, wala akong nababasa sa mga pahayagan tungkol sa veganism. Ngayon, ang dami nang naisusulat, at hindi lang bilang isang diet o lifestyle, kundi tungkol na sa animal rights."
"Sana maging inspirasyon ang march na ito para ituloy natin ang laban para sa mga hayop. Huwag tayong tumigil hanggang ang bawat hayop ay maging malaya," dagdag ni Siy.
Saad naman ni Karlo Cleto, miyembro ng tribong Ibaloi, vegan, at aktibista para sa mga karapatang hayop at karapatan ng mga katutubo: "Sa bansang tinatratong terorista ang mga aktibista at indigenous people's rights advocates, radikal ang rumespeto sa dignidad at kasarinlan ng kapwa hayop."
Hinikayat ng animal rights activists ang publiko na sumali sa kanilang mga martsa at aktibidad sa hinaharap upang wakasan na umano ang pang-aabuso sa mga hayop.
Richielyn Canlas