Labing-tatlo pang rockfall events na sinabayan ng pagyanig ang naitala ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) sa Mayon Volcano sa nakaraang 24 oras.
Ang nasabing volcanic activity ay naitala ng Phivolcs simula 5:00 ng madaling araw ng Biyernes hanggang 5:00 ng madaling araw ng Sabado, Hunyo 3.
Naobserbahan din ng ahensya ang pamumula o crater glow ng bulkan.
Nitong Mayo 23, naitala rin ng Phivolcs ang naibuga ng bulkan na 162 tonelada ng sulfur dioxide.
Nananatili pa ring namamaga ang bulkan na palatandaan na hindi pa rin ito kumakalma.
Ipinagbabawal pa rin ng Phivolcs ang pagpasok sa ipinaiiral na 6-kilometers radius permanent danger zone (PDZ) dahil posible itong pumutok, magkaroon ng phreatic explosions at pagragasa ng mga bato mula sa bulkan.
Ipinatutupad pa rin ng Phivolcs ang Alert Level 1 status.