Iniulat ng Department of Health (DOH) na mula Mayo 22 hanggang 28 ay nakapagtala sila ng 11,667 bagong kaso ng Covid-19 sa bansa.

Batay sa national Covid-19 case bulletin na inilabas ng DOH nitong Lunes, nabatid na ang average na bilang ng bagong kaso ng sakit kada araw ngayong linggo ay nasa 1,667.

Ito anila ay mas mababa ng 6% kumpara sa mga kasong naitala noong Mayo 15 hanggang 21.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Anang DOH, sa mga bagong kaso, 105 ang may malubha at kritikal na karamdaman.

Ang magandang balita ay wala namang naitala ang DOH na pumanaw dahil sa sakit mula Mayo 15 hanggang 28.

Samantala, noong Mayo 28, 2023, nabatid na mayroong 554 na malubha at kritikal na pasyente na naka-admit sa mga ospital sa bansa dahil sa Covid-19.

Mula sa 2,077 ICU beds para sa mga pasyenteng may Covid-19, nasa 453 o 21.8% ang okupado habang nasa 4,208 o 23.2% naman ng 18,121 non-ICU COVID-19 beds ang kasalukuyan ding ginagamit.

Kaugnay nito, patuloy pa ring pinapaalalahanan ng DOH ang publiko na huwag maging kampante sa banta ng Covid-19.

Anang DOH, dapat nating ipagpatuloy ang tamang pagsunod sa minimum public health standards sa ilalim ng Alert Level 1.

Paalala pa ng Kagawaran ng Kalusugan, laging magsuot ng best-fitted face mask at kung maaari, manatili sa well-ventilated na mga lugar.

Sa oras anilang makaramdam ng sintomas ay agad ding mag-isolate.

Pinayuhan din nito ang publiko na magpabakuna at booster shots na laban sa Covid-19 para sa karagdagang proteksyon laban sa banta ng virus.