Isa sa mga napag-usapan nina King of Talk Boy Abunda at Kapuso comedienne na si Kiray sa Friday episode ng ">"Fast Talk with Boy Abunda" ang trending na pagbibigay niya ng ₱1M sa kaniyang ina bilang regalo, at ang pagiging "mukhang pera" nito.

Napunta roon ang paksa nang mapag-usapan nila ang relasyon ni Kiray sa kaniyang boyfriend na si Stephen Estopia, na aniya, dati-rati raw eh pinagbabawalan siya ng inang sumama rito lalo na kapag silang dalawa lang.

Pero nang mabigyan daw niya ng ₱1M ang ina, hayun at nagtatanong na ito kung kailan daw ba sila magpapakasal!

"Iba ang nagagawa ng pera! Mukhang pera talaga ang mama ko. Proud ako, mukhang pera ang mama ko. Seryoso 'yan," giit ni Kiray.

72 PDL's ng Manila City Jail, naka-enrol sa PUP Open University

"Ang mga nanay, mga mukhang pera kasi may (explanation) naman 'yan. Sila ang nagpo-provide para sa buong pamilya. Sila ang nagha-handle ng pagkain. Kung nangungupahan, upa. Ganoon ko ina-idolize ang mama ko pagdating sa pera kasi kaya niyang dalhin ang buong pamilya."

Tinangka namang ituwid ni Tito Boy ang nasabi ni Kiray na "mukhang pera" dahil negatibo ang kahulugan nito.

"Medyo masakit pakinggan yung mukhang pera. Mahalaga ang pera sa mga nanay because they take care of the home," anang TV host.

Sumang-ayon naman ang komedyante, pero hindi binawi ni Kiray ang kaniyang sinabi dahil alam naman daw iyon ng mama niya.

"Yung mama ko talagang mukhang pera, in a good way naman."

Sinabi pa ni Kiray na ang isang milyong piso ay sadyang inipon niya para sa pagpapagawa ng kanilang bahay na balak paupahan ng ina, sa lote na binili rin niya para sa kanila.

Matatandaang nilinaw na ni Kiray na hindi lamang "forda content" ang vlog niya tungkol sa pagbibigay ng umaatikabong 1 milyong piso sa kaniyang ina, na talaga namang napa-sana all ang mga nakapanood na netizens.

May mga nag-akusa kasi kay Kiray na kaya lang niya ito ginawa ay para pagkakitaan; makukubra o mababawi rin naman daw ang ganoong halaga kapag tumabo ang views ng kaniyang vlog.

Sa isang panayam, sinabi ng komedyana na matagal na niyang naipon ang pera para sa ina. Plano niya talagang ibigay ito sa kaniyang kaarawan upang maging masaya ito.

Gagamitin umano ng ina ang limpak-limpak na pera upang magpatayo ng bahay sa loteng regalo niya rito.

“Kasi matagal na nakatengga 'yung bakanteng lote na binili ko rin po sa kaniya," ani Kiray.

Kuwento pa ni Kiray, antimanong bumili na ng materyales ang kaniyang ina upang masimulan na ang pagpapagawa ng bahay, na gagawin nitong paupahan.

BASAHIN: ₱1M regalo sa madir forda content lang? Kiray, pumalag