Tumulong na ang Philippine Air Force (PAF) sa pagdedeliber ng family food packs (FFPs) sa Batanes bilang paghahanda sa pagpasok sa bansa ng super typhoon Mawar sa Biyernes ng gabi.
Ayon sa Office of Civil Defense (OCD)-Region 2, ginamit nila ang C-130 ng PAF upang makarating sa Batanes ang 850 na FFPs, bilang suporta na rin sa Cagayan Valley Disaster Risk Reduction and Management Council (CVDRRMC).
Ang naturang FFPs ay mula sa DSWD-Field Office 2.
Kabilang din sa tumulong sa paghahakot ng food packs ang mga tauhan ng Philippine Coast Guard, Armed Forces of the Philippines (AFP)-Joint Task Force TALA at Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP)-Tuguegarao City.
Nauna nang tiniyak ng DSWD Central Office na sapat ang kanilang relief goods para sa inaasahang pagtama ng bagyo sa bansa sa mga susunod na araw.