Arestado ang isang lalaki matapos na banlian umano ng kumukulong tubig ang kaniyang 3-buwang gulang na pamangkin sa loob ng kanilang tahanan sa Cainta, Rizal na nagresulta sa pagkamatay nito.

Nakapiit na sa Cainta Police at nahaharap sa kasong murder ang suspek na si John Melvin Caino, 18, matapos na banlian ng kumukulong tubig ang kaniyang 3-buwang gulang na pamangkin, residente ng Basilio Room for Rent, na matatagpuan sa Sampaguita St., Ampalaya Compd., Sitio Halang, Brgy. San Isidro, Cainta, Rizal.

Batay sa ulat ng Cainta Municipal Police Station, dakong alas-10:30 ng umaga nang madiskubre ng mga kapitbahay ang bangkay ng biktima sa loob ng kanilang tahanan.

Ayon kay PMAJ Alfonso Saligumba, hepe ng Cainta Police, bago ang krimen ay pumasok umano sa trabaho ang ina ng biktima at iniwan ang kaniyang mga anak sa kaniyang kapatid na si Caino upang bantayan at alagaan ang mga ito.

Metro

Mayor Lacuna: Payout sa 203K seniors, malapit nang matapos

Sa salaysay umano ng suspek, paliliguan umano sana niya ang sanggol ng maligamgam kaya’t nagpakulo ng tubig ngunit nagdilim umano ang paningin nito kaya’t naibuhos sa sanggol ang kumukulong tubig.

Matinding lapnos, mula ulo hanggang paa, ang tinamo ng sanggol, na kaagad na binawian ng buhay.

Natuklasan lamang ng mga kapitbahay ang nangyaring krimen nang magtaka ang mga ito matapos na ilagak ng suspek sa kanila ang mga kapatid ng biktima at saka umalis ng bahay, ngunit hindi inihabilin ang sanggol.

Dahil dito, sinilip ng mga kapitbahay ang loob ng tahanan at dito nakita ang bangkay ng biktima kaya’t kaagad na inireport sa mga otoridad.

Nagsagawa ng follow-up operation ang mga otoridad laban sa suspek na naaresto sa tahanan ng kaniyang mga magulang sa San Jose del Monte, Bulacan.

Ayon kay Saligumba, umamin sa kaniya ang suspek na nakagamit ito ng ilegal na droga nang maisagawa umano ang krimen.