BACOLOD CITY -- Problema sa pera ang naging dahilan upang saksakin ng isang Canadian national ang kaniyang asawa bago magpakamatay sa loob ng kanilang apartment sa Barangay Singcang-Airport dito noong Biyernes, Mayo 12. 

Itinago ng pulisya ng pangalan ng 50-anyos na biktima, isang call center agent, sa kahilingan ng kaniyang pamilya. 

Kinilala naman ang asawa nitong si Ronald St. Jean, 55. 

Sinabi ni Police Capt. Glenn Montaño, hepe ng Police Station 8, narinig ng mga kapitbahay ng mag-asawa na nagtatalo ang mga ito, dahilan para humingi sila ng tulong sa pulisya.

Probinsya

Catanduanes, niyanig ng magnitude 6.1 na lindol

Nang rumesponde ang mga pulis, sinabuyan umano ng suspek ng pepper spray ang isa sa kanila, at nagtungo sa isang kwarto.

Sinabi ni Montaño na sinaksak ng suspek ang sarili sa dibdib at nilaslas ang pulso. Nagtamo rin ng saksak sa dibdib ang misis ng suspek.

Aniya pa, nakipagkasundo sila sa suspek para sumuko, ngunit tumanggi ito.

Dinala ang mag-asawa sa Corazon Locsin Montelibano Memorial Regional Hospital (CLMMRH) dito. Idineklarang dead on arrival ang biktima habang ang suspek ay pumanaw rin kalaunan.

Dagdag pa ni Montaño, rumerenta lang sa apartment ang mag-asawa. Mayroon din itong dalawang anak na lalaki, 7-anyos at 11-anyos, na dinala ng kanilang helper sa kanilang kamag-anak bago mangyari ang insidente. 

Glazyl Masculino