Mukhang tuloy-tuloy na ang pagsabak sa aktingan ng CEO ng beauty products at social media personality na si Rosemarie Tan Pamulaklakin o mas tanyag bilang "Rosmar Tan" dahil muli siyang mapapabilang sa isang re-enactment episode ng "Wish Ko Lang."

Kamakailan lamang ay pinuri ng mga netizen ang akting ni Rosmar matapos mapasama sa cast ng comedy-romance ng GMA Public Affairs na "Zero Kilometers Away" na pinagbibidahan nina Kyline Alcantara bilang Gwen at Mavy Legaspi bilang si Ardi.

Kasama rin ni Rosmar ang kaniyang asawa na si Jerome sa pag-arte, na pinuri naman ng netizens dahil sa ekspresyon ng mga mata nito.

Rosmar Tan, artista na! Netizens, aprub sa kaniyang 'pag-arte'

At sa inilabas na teaser ng Wish Ko Lang tungkol sa isang lalaking nagbahay ng hindi lamang isa at dalawa kundi pitong jowa, kasama rito si Rosmar.

"'Yung tinanggap n'yong pito kayong karelasyon ng iisang lalaki! Huwag palalampasin ang mga tagpo sa #WishKoLangPitongBabae ngayong Sabado, 4 PM sa GMA-7 at GMA Public Affairs' Facebook at YouTube livestream," saad sa caption ng Facebook post, sa opisyal na Facebook page ng public affairs show.

"Ako nga yan mga charmaine," komento ni Rosmar sa comment section.

Batay sa napanood ng mga netizen ay mukhang epektibo raw maging kontrabida si Rosmar, at bakit ngayon lamang daw nito naisipang pasukin ang pag-aartista.

"Bukas na 'to grabe! HAHAHA manuod kayo makikita n'yo ang kakaibang ROSMAR," aya ni Rosmar sa lahat.