Naglabas ng saloobin si Senador Ramon "Bong" Revilla Jr. matapos na isulong sa Kongreso na dapat ay magserbisyo muna ng isang taon ang isang health care worker bago ito magtrabaho sa ibang bansa. 

"Dapat tutukan ng pamahalaan ang pagpanday ng mga polisiya na magtutulak sa ating mga health care workers na manatili sa bansa sa halip na mangibang bansa kapalit ng magandang kapalaran," ani Revilla nitong Huwebes, Mayo 4.

Ipinaliwanag din ng senador na maganda umano ang intensyon ng pagsusulong ng 1-year medical service ngunit mas mabuti umano kung kusang pipiliin ng isang health care worker na manatili sa Pilipinas dahil sa kakayahang lumaban ng bansa sa magandang oportunidad na ibinibigay ng ibang bansa.

"Let us give them more reasons to stay in our country instead of restricting them to leave. Ito ay mangyayari lamang kung mabibigyan natin sila ng oportunidad na magkaroon ng maayos na trabaho at sapat na sweldo. Kaya sikapin natin na maitaas ito kasama na ang iba pang benepisyo para hindi na sila mapilitan maghanap ng oportunidad sa ibang bansa," anang senador.

National

Ilocos Sur, niyanig ng magnitude 4.6 na lindol

Dagdag pa nito, hindi umano makatanggi sa dolyar ang mga health care workers dahil hindi hamak na mas mabilis umano ang asenso ng ibang bansa kaysa sa 'Pinas.

"Hindi na nga mabigyan ng trabaho ang karamihan sa ating mga health care workers eh. Yung iba, sila pa mismo ang nagbabayad sa mga ospital para lang makapag-training kahit wala namang katiyakan na matatanggap sila. Tapos pipigilan nating maghanapbuhay kahit nagkataon na sa ibang bansa sila natanggap," ani Revilla.

Bukod dito, binanggit din ni Revilla na makabagong bayani kung ituring ang mga health care workers lalo na sa panahon ng pandemya kaya nararapat aniya na makapagpasa ng batas na makapagtataas sa antas ng kanilang pamumuhay.

"Napakahalaga ng ginagampanan ng ating health care workers sa ating lipunan. Hindi ko maisip ang isang bukas na walang tayong kaagapay sa pagpapanatili ng ating kalusugan. Kaya ngayon pa lang ay siguruhin natin na hindi sila napapabayaan, bagkus, sila ay laging napapahalagahan at natutulungan," pagwawakas ng senador.