Kinalampag ni Kabataan Party Representative Raoul Manuel ang Kongreso upang imbestigahan ang nagaganap na power outage sa mga lalawigan na sakop ng Panay Island at Negros Region.
Apektado ng brownout ang Iloilo, Capiz, Aklan, Antique, at Negros Occidental.
Inihain ni Manuel ang House Resolution 944 na nag-uutos sa Kongreso na maging third party at masilip ang sangkot sa rotational brownouts upang makuha ang totoo at malinaw na larawan.
"There is a need for Congress to step in as a third party and investigate under oath the key entities involved in the rotational brownouts in order to get the true and clear picture," bahagi ng inihaing panukala.
Ayon pa kay Manuel, ang aksyon na ito ay bilang tugon sa pagpapatupad ng rotational brownout ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) bilang contingency measure sa kakulangan sa power generation sa mga franchise area ng Central Negros Electric Cooperative, Northern Negros Electric Cooperative, Negros Occidental Electric Kooperatiba, gayundin ang Negros Oriental Electric Cooperative I at II.
Nito lamang Abril, sinabi ng NGCP na sinisiyasat na nito ang problema.
BASAHIN: Brownout sa Panay Island, sinisilip na ng NGCP
Nananawagan din ang mambabatas sa Kongreso na tingnan ang mga agarang solusyon para sa mga apektadong mamamayan ng rotational brownout na ito.
"While NGCP and the local cooperatives are pointing fingers at each other, residents of Panay, Guimaras and Negros have been left to endure several hours of blackouts per day; this has affected not only the comfort of living, but also livelihood, education, mental and physical health, and the general way of life in the affected areas," nakalahad sa resolusyon.