Nirekomenda ng Department of Health (DOH) sa Office of the President na hindi kinakailangang ibalik ang mandatong pagsusuot ng face masks sa bansa.
Sa isang press conference nitong Marter, Mayo 2, sinabi ni DOH Officer-in-Charge Maria Rosario Vergeire na ang nasabing rekomendasyon ay batay sa napagkasunduan ng pakikipag-usap nila sa Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-EID).
Ayon kay Vergeire, talagang tataas at bababa ang mga kaso ng Covid-19 sa bansa dahil nananatili pa rin ito, at magmu-mutate at magbubunga ng mga subvariant paminsan-minsan.
Gayunpaman, nilinaw naman niya na ang nasabing rekomendasyon ay hindi nangangahulugang tutol ang DOH sa pagsusuot ng face mask.
"Piliin natin na mag-mask tayo kapag pupunta tayo sa mga high risk na mga lugar katulad po ng matataong lugar and closed spaces na pangit ang ventilation lalong-lalo na kung hindi kayo bakunado. Kung kayo po ay nakakatanda o may comorbidity o di kaya kayo po ay immunocompromised o buntis, pillin po natin na magmask," ani Vergeire.
Sinabi rin ni Vergeire na hindi lamang ang halaga ng pagsusuot ng face mask ang itinuturo ng DOH, kundi kung paano umano ito pamamahalaan at kung paano uusad ang bansa mula sa kasalukuyang sitwasyon nito sa Covid-19.
"We cannot have that low tolerance na kapag tumataas ang kaso bigla tayong major reaction ibalik natin iyang pagmamask, mag-lock down tayo uli. We cannot do this back and forth policies because we have to balance this with our economy," ani Vergeire.
"Diyan sa ekonomiyang pinaguusapan natin andami nang nagugutom natin na kababayan which also affects our health, kaya lahat ‘yan binabalanse," saad pa niya.
Matatandaang ibinahagi kamakailan ni Public health expert Dr. Anthony “Tony” Leachon na mahalaga ang mandatory face mask upang maprotektahan umano ang mga Pilipino laban sa tumataas na kaso ng Covid-19 sa bansa.
BASAHIN: Posibleng muling pagpapataw ng mandatory mask, suportado ng health expert