Ibinahagi ng Department of Foreign Affairs (DFA) na nakauwi na sa Pilipinas nitong Sabado, Abril 29, ang unang grupo ng mga Pilipinong nailikas mula sa bansang Sudan.

Sinalubong sa Maynila ang 17 Pinoy evacuees ni DFA Secretary Enrique Manalo, kasama ang mga opisyal sa Office of the Undersecretary for Migrant Workers’ Affairs (OUMWA), Department of Migrant Workers (DMW) at Overseas Workers Welfare Administration (OWWA).

Sa ulat ng DFA, pansamantalang tumuloy sa Athens, Greece, at Jeddah, Saudi Arabia, ang unang grupo ng evacuees.

Walo umano sa evacuees ay hotel workers sa Sudan na sumakay sa isang military evacuation flight pagkatapos ang matagumpay na mga representasyon na ginawa sa gobyerno ng Greece ng Philippine Embassy sa Athens.

National

Nancy Binay, nilinaw na 'di kaaway ang kapatid na si Abby: 'Pamilya pa rin kami!'

Tinanggap ng Embahada ang grupo sa Athens nitong Biyernes ng umaga, Abril 28, at agad na inayos ang kanilang paglipad pabalik sa Pilipinas sa pamamagitan ng Assistance-to-Nationals Fund ng DFA.

Samantala, ang natitirang siyam na overseas Filipino, kabilang ang isang sanggol, ay tumakas umano sa Khartoum sa pamamagitan ng Port Sudan kung saan sila sumakay sa isang C130 plane ng Saudi Royal Air Force patungong Jeddah, Saudi Arabia.

Tinanggap naman sila ng Philippine Consulate General sa Jeddah noong Huwebes, Abril 27, at agad na nagbigay ng tulong sa pamamagitan ng pagbibigay ng mga dokumento sa paglalakbay sa mga walang orihinal na pasaporte. Ibinigay umano ng OWWA ang repatriation ticket para sa walong mga OFW evacuees, habang inayos ng Konsulado ang paglipad ng isang evacuee na isang estudyante sa Sudan.

“The Philippine government is working round-the-clock to assist our kababayans who have left Sudan,” ani Manalo.

Dineploy rin umano ang mga tauhan mula sa DMW, OWWA, at Department of National Defense (DND) upang madagdagan ang evacuation efforts ng pamahalaan.

Pinasalamatan naman ni Manalo pamahalaan ng ibang mga bansa na tumulong sa Pilipinas na maglikas ng mga Pinoy sa Sudan.

Sa ngayon ay nasa 610 Pilipino na umano ang lumikas mula sa Khartoum, kung saan 391 dito ang tumawid sa gilid ng Egyptian sakay ng mga bus na pinaarkila ng Philippine Embassy sa Cairo at ng Philippine Honorary Consulate sa Sudan.

Kasalukuyang inaayos ng Embahada ang kanilang temporary visa at repatriation flights patungo sa Pilipinas, habang naghahanda na umano ang DMW at OWWA para sa matutuluyan at iba pang welfare assistance sa pagbiyahe.

Sinabi rin ng DFA na 45 pang Pinoy ang inaasahang ililikas sa pamamagitan patungong Saudi Arabia, kung saan nagbibigay din ng kinakailangang suporta ang Philippine Consulate General sa Jeddah.

“Our DFA offices and diplomatic missions concerned are determined to bring our people home safely, as soon as possible,” saad ni Manalo.

Nagkakaroon ng labanan sa Sudan matapos sumiklab ang paksyon sa pagitan ng mga hukbo na tapat kay Heneral Abdel Fattah al-Burhan at paramilitary ng Rapid Support Forces (RSF).

Si Burhan ang namumuno sa transitional governing Sovereign Council ng Sudan habang ang RSF ay pinamumunuan ni Heneral Mohamed Hamdan Dagalo na siyang deputy head ng konseho.