Apat na overseas Filipino workers (OFWs) ang nasawi matapos masunog ang pinagtatrabahuhan nilang pabrika sa Taiwan, ayon sa Manila Economic and Cultural Office (MECO) nitong Huwebes, Abril 27.

Sa panayam ng Teleradyo nitong Huwebes ng gabi, ibinahagi ni MECO chief Silvestre Bello na ang tatlo sa mga nasawi ay na-suffocate, samantalang ang isa ay binawian ng buhay habang nagpapagamot sa ospital.

Nangyari umano ang sunog noong Martes sa pabrika ng Lian Hwa, kung saan halos 100 mga Pilipino ang nagtatrabaho doon.

Sinabi rin ni Bello na nakipag-ugnayan na sila sa mga kaanak ng mga biktima hinggil sa nangyari.

National

Nancy Binay, nilinaw na 'di kaaway ang kapatid na si Abby: 'Pamilya pa rin kami!'

Iuuwi umano ang mga labi ng mga biktima sa sandaling mapirmahan ang mga kinakailangang dokumento. Hindi naman daw aabot sa isang linggo bago maiuwi ang mga ito sa kani-kanilang mga pamilya.

Ayon kay Bello, ang mga pamilya ng mga Pilipinong nasawi ay pagkakalooban ng gobyerno ng Taiwan ng cash assistance na nagkakahalaga ng 100,000 bagong Taiwanese dollars. Bibigyan din sila ng iba pang cash assistance, burial assistance, education assistance at insurance na sasagutin ng gobyerno ng Pilipinas o ng kumpanya.

Samantala, apat pang Pilipino umano ang nagtamo ng "minor physical injuries" ngunit nasa mabuti naman na umano ang kanilang kalagayan at “maganda naman yung asikaso ng kanilang employer”.

Saad pa ni Bello, nakikipag-ugnayan na ngayon ang MECO sa mga awtoridad ng Taiwan sa imbestigasyon ng insidente.