Puring-puri ni Manay Lolit Solis ang Primetime King na si Dingdong Dantes dahil sa style ng pagho-host nito sa game show na "Family Feud." Bukod dito, sinabi rin ng batikang kolumnista na ang 2023 raw ay Dingdong Dantes year.
Sa isang Instagram post nitong Martes, Abril 25, puring-puri rin ni Lolit ang awra at kapogian ni Dingdong.
"Gustong gusto ko ang style ng hosting ni Dingdong Dantes Salve. Nakakatuwa talaga ang Family Feud dahil sa maayos at masayang hosting ni Dingdong. At habang nagtatagal lalo pa siyang pogi at talagang very matinee idol ang dating. Talagang iba ang Dingdong Dantes, iba ang aura at charms niya," saad niya.
"Kaya kahit itabi mo sa ibang stars, iba parin ang aura niya. No wonder halos araw araw na nasa TV siya, at ngayon pa lang hinihintay na ang Royal Blood na serye na gagawin niya. Mukhang exciting ito dahil kakaibang Dingdong Dantes daw ang mapapanuod mo," dagdag pa niya.
Dito rin nabanggit ni Lolit na ang 2023 ay para sa mga Dantes.
"Talagang year of the Dantes ang 2023, kasi pati mga anak niyang si Zia at Sixto talagang on the news. At maganda din ang married life niya dahil mukhang masaya si Marian Rivera. Dingdong Dantes year, bongga."
Samantala, sa interview ni Dingdong sa “Fast Talk with Boy Abunda” noong Biyernes, Abril 21, isiniwalat niyang nagkaroon din siya ng insecurities sa kakayahang mag-host nang i-alok sa kaniya ang “Family Feud” noon.
“Noong binigay po sa akin ang Family Feud, nung sinabi na may opportunity para gawin mo ito, tanong ko, ‘Ako ba talaga?’ Kasi I recognize that there are more people out there who can do it better and who I think are more capable. So may mga ganun eh. May mga insecurities nung nag-uumpisa kung ako ba talaga dapat ang nandito especially coming from a very very successful franchise ni Tito Steve Harvey,” sey ni Dingdong.