Nakarating na sa Pilipinas ang labi ni dating Department of Foreign Affairs (DFA) secretary Albert del Rosario nitong Sabado, Abril 22, ayon sa kaniyang pamilya.

Sa pahayag ng anak na si Inge, ibinahagi nitong lumapag sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) ang eroplanong lulan ang kabaong ni del Rosario bandang 5:30 ng umaga, 

Kasama umano sa eroplano ang kaniyang asawa at kapatid na babae.

Nasawi si del Rosario noong Abril 18 habang sakay ng eroplano patungong San Francisco, United States dahil sa "massive heart attack".

National

Nancy Binay, nilinaw na 'di kaaway ang kapatid na si Abby: 'Pamilya pa rin kami!'

Ayon sa kaniyang pamilya, nagtungo si del Rosario sa California upang manalangin sa isang pribadong debosyon sa Our Lady of the Miraculous Medal. Deboto umano siya ng pagrorosaryo at nanalangin para sa mas mabuti niyang kalusugan dahil naniniwala siyang may misyon pa siyang dapat tuparin para sa kan’yang bansa.

Sa nakalipas na 20 taon, nagkaroon umano si del Rosario ng iba’t ibang karamdaman at mga operasyon sa likod at tuhod. Gayunpaman, hindi raw niya ito ininda para patuloy na makapagsilbi bilang Philippine ambassador to the United States at kalihim ng DFA.

Bilang isang top diplomat ng bansa mula 2011 hanggang 2016, humarap si del Rosario sa Arbitral Tribunal sa Hague upang ipagtanggol ang soberanya ng Pilipinas, at dinala ang bansa sa legal na pagkapanalo sa West Philippine Sea laban sa China.

"Even after he left the DFA because of health reasons, he lived out a work ethic which was unrelenting and an inspiration to us, his family: till the final week before his death, he continued to go to his office in Makati seven days a week, including Sundays and holidays," pahayag ng pamilya ng top diplomat.

Gaganapin umano ang lamay ni del Rosario sa Chapel of the Santuario de San Antonio sa Makati City. Magiging bukas ito sa publiko sa Abril 23 at 24.