Isang kasunduan ang nilagdaan ni Marikina City Mayor Marcelino "Marcy" Teodoro, kasama ang mga kinatawan mula sa labor at private sectors, upang makalikha ng mas marami pang kapaki-pakinabang na polisiya para sa mga manggagawang Marikeño, na malapit sa kaniyang puso.

Ang naturang paglagda sa Memorandum of Agreement (MOA) ay idinaos sa Pavillon ng Marikina Hotel nitong Miyerkules.

Sa kanyang mensahe, binigyang-diin ni Teodoro ang kahalagahan ng pagkakaroon ng magandang ugnayan at tunay na kooperasyon sa local government unit (LGU) at labor at management sectors sa pagsusulong ng ‘industrial peace’ at ‘harmonious relations’ sa pagitan ng iba’t ibang sector, lalo na sa Marikina City na tinaguriang “Bayan ng Masasayang Manggagawa’ o ‘Land of Happy Laborers.’

“Tulong-tulong talaga. It’s on that level. Hindi sa papel lang. What is more important is the relationship. Talagang bayan tayo ng mga manggagawa. Iyon naman ang gusto nating mangyari. Hindi naman natin kinakalimutan iyon na dapat bayan tayo ng mga masasayang manggagawa,” ayon pa sa alkalde.

Metro

MANIBELA magkakasa ng libreng sakay sa Pasko at Bagong Taon

Sa ilalim ng MOA, magtutulungan ang mga partido para sa pagtatatag ng isang tripartite forum para sa advisement at consultation sa mga usaping may kinalaman sa paggawa, partikular na sa pagbuo at implementasyon ng mga labor policies, upang magkaroon ng pagkakaisa at kooperasyon sa labor, management, at government sectors sa lungsod at maresolba ng maayos ang mga labor dispute.

Ang tripartite forum ay inaasahang magbibigay ng mekanismo para sa epektibong pagbuo at implementasyon ng labor at employment programs at mga proyekto sa lungsod.

“Huwag natin bitawan ‘yong pag-uusap natin, ‘tsaka ‘yong relasyon,” anang alkalde, na siya ring chairman ng Marikina City Tripartite Industrial Peace Council.

Nagpaabot rin siya ng pasasalamat para sa patuloy na suporta ng mga partidong sangkot at ibinahagi ang kanyang pag-asa para sa prayoritisasyon ng job preservation.

“Ang pakiusap ko lang po talaga ay ang preservation po ng jobs,” aniya pa.

“Pangalagaan po natin ‘yong trabaho po. Napakahirap mawalan ng trabaho, pamilya po ang apektado—maliit na bata, asawang hindi malaman kung saan kukuha ng pansaing, kailangan pong maintindihan natin iyong gano’n ho. We’re not talking of policies here, kung ‘di lives of people,” dagdag pa ni Teodoro.’

Sa kanyang panig, tiniyak naman ni Atty. Sarah Buena S. Mirasol, ang Department of Labor and Employment (DOLE) Regional Director para sa National Capital Region (NCR), ang suporta at commitment ng kanyang ahensiya sa mga programa ng Marikina LGU para sa mga manggagawa.

“We at DOLE-National Capital Region assure every one of our unwavering commitment and assistance towards the realization of Marikina’s programs and services to help uplift the social and economic state of their constituents,” aniya. “Rest assured also of the department’s active stand in advocating and participating in various social dialogues with our tripartite partners all in the name of public service and industrial peace.”

Dagdag pa niya, napapanahon ang MOA signing dahil sa nalalapit na ang pagdiriwang ng Labor Day sa Mayo 1.