Camp Olivas, City of San Fernando, Pampanga - Nasa 44 babae ang nasagip ng pulisya matapos salakayin ang isang KTV bar na umano'y nagsisilbing sex den na ikinaaresto rin ng anim na suspek, kabilang ang dalawang Koreano sa Angeles City, Pampanga kamakailan.

Sa ulat kay Police Regional Office 3 (PRO3) director, Brig. Gen. Jose Hidalgo, Jr., nakilala ang dalawang dayuhan na sina Matt Lee at Alex Han. 

Kasama rin nila sa dinakip ng mga tauhan ng Angeles City Police Office at City Social Welfare and Development Office sina Jayson Lancangan, Aileen Pineda, Jennifer Mendoza at Preciosa Mahusay.

Isinagawa ang operasyon matapos makatanggap ng impormasyon ang pulisya na ipinagagamit umano ng mga suspek ang mga nasabing babae sa kanilang customer.

Probinsya

Catanduanes, niyanig ng magnitude 6.1 na lindol

Sinabi pa ng pulisya, naunang inaresto si Lancangan matapos tanggapin ang P3,000 marked money na kapalit sana ng serbisyo ng isa sa mga babaeng nagtatrabaho sa nasabing bar.

Nahaharap na sa kasong paglabag sa Anti-Trafficking in Persons Act of 2003, at Republic Act 7610 (Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation and Discrimination Act) ang mga suspek.