Isang motovlogger na mula sa Davao de Oro ang mahaharap umano sa isang kaso matapos umano nitong mabangga ang motor ng biktima na kalaunang nasawi noong Linggo, Abril 16.

Sa panayam ng DXDC RMN Davao kay Police Corporal Windrex Bolivar, imbestigador ng Montevista Municipal Police Station (MPS), nangyari ang banggaan sa Purok 1, Barangay Linoan, Montevista, Davao de Oro bandang 10:00 ng umaga.

Nakilala umano ang biktima bilang si Ronel Renz Alvarez, 27, residente ng nasabing barangay. Habang ang motovlogger naman ay nakilalang si Aldwin Gono, 27, mula sa Barangay Tuburan, Mawab, Davao de Oro.

Ayon sa mga saksi sa insidente, mabilis umano ang pagpapatakbo ng motovlogger na siyang dahilan ng malakas na banggaan. Base rin sa imbestigasyon, aabot umano ang pagpapatakbo ni Gono sa mahigit 100 kilometro kada oras.

Probinsya

Catanduanes, niyanig ng magnitude 6.1 na lindol

Nagtamo umano ang biktima ng severe head trauma, dahilan ng kaniyang pagkamatay sa ospital, habang nagkaroon naman ang motovlogger ng severe injuries at naitakbo rin sa ospital.

Nagluluksa ngayon ang mga kaibigan at kaanak ng biktima lalo na't nakatakda pa umano itong ikasal sa kaniyang kasintahan.

Samantala, mahaharap sa kasong 'Reckless Imprudence Resulting to Homicide' si Gono.