Nakilala bilang "Sex Goddess of Philippine Movies" noong dekada ‘70 at ’80 si Alma Moreno na kalauna’y napagtanto niyang naging kahon niya sa kaniyang karera noon.

Ito ang tapat na pag-amin ng aktres sa “Fast Talk With Tito Boy” nitong Lunes, Abril 17 kung saan binalikan niya ang mga naging taguri noon sa harap ng pelikula at telebisyon.

“Matawag ka sa isang title na ganon, thank you kumbaga sa’kin kasi andaming gusto rin nun (sexy Goddess), ibig sabihin ang laki mo ‘di ba?” anang aktres nang hingan ng kaniyang positibong saloobin sa dating bansag.

Si Alma ang “pinakabunso” sa mga nakasabayan noon na kalauna’y tinawag ding “The Youngest Bold Star.”

Relasyon at Hiwalayan

EJ Obiena, handa nang lumagay sa tahimik?

Aminado namang nasaktan ang aktres matapos makahon sa nasabing imahe.

“'Yun bang tingin nila na sexy star ka; na bold star ka, hanggang dun ka [lang], nakakahon ka na lang dun. ‘Di ba kung ‘di ka magse-sexy, d’yan ka lang [kaya] kailangan mong mag-sexy. Ganun ang tingin [sa'kin]. Ayun ang pinakamasakit,” aniya.

“Sana bago i-judge ‘yun, tignan muna nila. Sa awa naman Kuya Boy, napatunayan ko at nakita naman nila,” pagpapatuloy ni Alma na matapos ang ilang dekada ay aktibo pa rin sa showbiz hanggang ngayon.

Maaalalang napatunayan ng aktres ang kanyang husay sa pag-arte matapos makatrabaho ang ilan sa pinakamahuhusay na direktor sa kaniyang panahon tulad na lamang ni Ishmael Bernal.

Samantala, pagbabahagi rin ng aktres, kailanman ay hindi siya nabastos sa totoong buhay dahil sa naging imahe niya sa pelikula.

Aniya, naging balanse rin sa kaniya ang tunay na postura noon kapag wala sa harap ng kamera na kanyang inilarawan bilang “simple lang.”