Sa latest upload ni Mimiyuuuh, tila nabudol ng YouTube star si Liza Soberano sa kanyang “Can’t Say No Challenge” kung saan mahigit P100,000 lang naman ang winaldas ng aktres. Nakakaloka!

Sa video, makikitang una munang nag-foodtrip ang dalawa malapit sa headquarters ng Careless, ang kasalukuyang management ng aktres. Dito ay nabigyan ng chance ang kontrobersyal na aktres at online star na makapagchikahan nang very light.

Kabilang sa naibahagi sa kanilang quick catch up ilang plano sa kanilang career kung saan naibahagi ni Mimiyuuuh ang target na fashion week appearance sa New York habang pagpundar naman ng property sa Los Angles ang goal ngayon ni Liza.

Tila nag-clik naman agad ang dalawa na natalakay pa ang kaniya-kaniyang personalidad base sa kanilang zodiac signs.

R' Bonney Gabriel, nagbalandra ng tahong sa NYFW

At ito na nga, highlight ng vlog ang tila wala lang na pagwaldas ni Liza sa kanyang pera gamit ang iniendorsong online banking.

Mula sa foodtrip ay napunta sa isang mall ang dalawa kung saan tuloy pang nabudol ng online personality ang aktres.

Kabilang sa mga binili ni Liza para kay Mimiyuuuh ang isang scented candles na papatak sa P5,000, burluloy sa tenga na libu-libo rin ang halaga at ang bongga nga ay ang pink na maletang tatak Rimowa na tumataginting na P98,800 lang naman ang presyo.

Halos maglupasay pa sa sahig ng store ang online personality na una pang tumanggi sa aktres.

Sa isang Instagram update naman tampok ang vlog, ilang nakakaaliw na komento ng netizens ang mababasa kasunod ng six-digit challenge.

“Parang libre lang sa starbucks hahahahaha,” sey ng artist na si Niccolo Cosme.

“'LIBRE NA KITA' HAHAHHA KALA MO PANDESAL LANG SA BAKERY 😭,” laugh trip na segunda ng isa pa.

“Parang nilibre ka lang ng snowbear sa tindahan HAHAHAHA!”

“OMG sana may friend din akong Liza Soberano! ❤️”

“Ang cute ng hataaaaak hahahaha parang kakain lang sa Jollibee."

Matapos ang isang araw lang, nasa 475,000 views na ang naturang vlog sa ngayon.