Ibinahagi ng Office of Civil Defense (OCD) nitong Martes, Abril 11, na sinisimulan na nito ang maagang paghahanda sa posibleng epekto ng bagyong Amang sa bansa.

Photo courtesy: PAGASA

Ayon kay OCD spokesperson Asst. Sec. Bernardo Rafaelito Alejandro, tinitingnan ng ahensya ang posibilidad na itaas ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) ang alert level sa Code Red mula sa Blue.

National

Nancy Binay, nilinaw na 'di kaaway ang kapatid na si Abby: 'Pamilya pa rin kami!'

Binanggit din ni Alejandro na nanawagan ang OCD sa mga lokal na konseho ng Disaster Risk Reduction and Management (DRRM) na magsagawa ng pre-disaster risk assessment (PDRA) upang matukoy umano ang kaukulang alert status at paghahanda sa mga apektadong rehiyon at lalawigan.

Kinakailangan din umanong magkaroon ng patuloy na pagsubaybay at pagpapakalat ng mga maagang babala at pagbibigay ng impormasyon upang manatiling updated ang publiko.

Higit pa rito, hinimok ni Alejandro ang mga lokal na konseho ng DRRM na tiyakin ang pagsunod ng publiko sa mga alituntunin ng NDRRMC sa Covid-19 preparedness measures para sa posibleng paglikas.

Samantala, sinabi rin ni Alejandro na hinimok din ng OCD ang lahat ng mga miyembro ng NDRRMC na makipag-ugnayan sa kanila upang matiyak ang pagkakaroon at pre-positioning ng response assets at relief items para sa agarang pag-deploy at pamamahagi kung may mga residenteng maaapektuhan ng bagyo.

Ang bagyong Amang ang kauna-unahang tropical cyclone na tumama sa bansa ngayong taon matapos itong mamataan na kaninang 5:00 ng hapon sa layong 130 kilometro sa silangan hilagang-silangan ng Virac, Catanduanes o 250 kilometro sa silangan ng Daet, Camarines Norte.

Sa pinakabagong tala ng PAGASA, itinaas sa Signal No. 1 ang Catanduanes, Sorsogon, Albay, Camarines Sur, Camarines Norte, Quezon kasama na ang Pollilo Islands, Marinduque, Masbate kasama na ang Ticao Island at Burias Island, Rizal, Laguna, Aurora, Bulacan, Nueva Ecija, Isabela, Northern Samar, Samar, at Eastern Samar.