Asahan ang matinding pagsisikip ng daloy ng trapiko sa pangunahing lansangan sa Metro Manila sa Abril 11, ang unang araw ng pagbabalik sa trabaho at pasok sa paaralan pagkatapos ng Semana Santa, ayon sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA).
Sa pahayag ng MMDA, dadagsa ang mga motorista, pati na ang mga pampasaherong bus na biyaheng probinsya matapos ang mahabang bakasyon.
Sinabi ng ahensya, magpapakalat na rin sila ng mga tauhan upang magbantay sa pangunahing kalsada sa National Capital Region.
Nanawagan din ang MMDA sa mga motorista na pairalin ang disiplina upang hindi sila makaabala sa mga gumagamit ng kalsada.