Nakiisa sa pamamagitan ng pagbibigay ng mensahe ang ambassador ng mga bansang United States at Canada sa pagdiriwang ng mga Pinoy ng Pasko ng Pagkabuhay ngayong Linggo, Abril 9.
Bilang pagbati, ni-retweet ni US Ambassador to the Philippines MaryKay Carlson ang post ng US Embassy na may mensaheng: “We wish all who celebrate a blessed and joyful #Easter. In this season of new beginnings, may you find a renewal of warmth, hope, and health.”
Sa kaniyang caption sa nasabing post, binati ni Carlson ang mga Pinoy sa Pilipinas at sa ibang dako ng mundo na nagdiriwang ng Pasko ng Pagkabuhay.
“Happy #Easter to everyone celebrating in the Philippines, the United States, and around the world! Maligayang Pasko ng Muling Pagkabuhay!,” aniya.
Ni-retweet naman ni Canadian Ambassador to the Philippines David Hartman ang post ng Canadian Embassy bilang pagbati sa pagdiriwang ng mga Kristiyano ng muling pagkabuhay ni umano ni HesuKristo mula sa pagpapapako sa Krus para sa kasalanan ng sanlibutan.
“Maligayang Pasko ng Pagkabuhay! Happy Easter to our Christian friends in the Philippines!,” saad ng nasabing post.
Ang Pilipinas ay isa sa dalawa lamang umanong bansa sa Asya kung saan ang bilang ng mga Kristiyano ay nangingibabaw.
Sa pinakabagong sensus ng Philippine Statistics Authority (PSA) noong Pebrero, lumabas na 85,645,362 indibidwal o 78.8% ng household population sa bansa ay Katoliko.