Hanggang ngayon ay hindi pa rin malinaw kung talaga bang naghiwalay na ng landas ang magjowang sina Jerome Ponce at Sachzna Laparan.
Naiintriga ngayon ang mga netizen kung bakit nag-unfollow sa Instagram accounts ng isa't isa ang celebrity couple.
Mas lalo pa itong umigting nang maglabas ng vlog si Sachzna na may pamagat na "Docuweek" kung saan idinetalye niya ang mga pinagdaraanan.
"Yung week na ipinakita ko sa inyo, parang mga nasa 20% or 30% pa lang 'yan. Ang dami kong ginawa while in pain and struggle," makahulugang pahayag ni Sachzna.
Dagdag pa niya, napagnilayan daw niyang hindi lahat ng tao ay laging nariyan sa iyong tabi. Kailangan daw maging handa sa lahat ng pagkakataon, subalit sa puntong ito ay hindi raw siya nakapaghanda.
May eksena pa sa vlog na tila nagka-crayola bells siya at may cryptic na tanong sa ina kung saan ba siya nagkulang.
"Wala kang ginawa anak. Nagmahal ka, minahal mo nang totoo. Iyon lang 'yon." pampakalma ng ina.
Hindi raw mailabas ni Sachzna sa publiko ang kaniyang pinagdaraanan kaya naman nagpakasubsob siya sa iba't ibang gawain para maging abala ang kaniyang isip.
Sa kabuuan din ng vlog ay kapansin-pansing hindi ipinakita o hindi man lamang binanggit ang boyfriend.
So tanong ng bayan, para ba kay Jerome ito?
Mas lalo pang umigting ang haka-haka ng mga netizen nang ibahagi naman ni Jerome ang kantang "Love The Way You Lie" nina Eminem at Rihanna.
So ang tanong ulit, pasaring ba niya ito kay Sachzna?
Sooner or later ay malalaman din naman ang totoo, Wait na lang natin kung isa sa kanila ang magpo-post ng kumpirmasyon, o kaya naman, magpapa-interview.