Patay ang isang barangay kagawad at asawa nito matapos tambangan sa Parang, Maguindanao del Norte nitong Linggo ng umaga.

Kapwa dead on arrival sa ospital sina Abdulamalik Uban, kagawad ng Brgy. Polloc at Salma Uban, dahil sa mga tama ng bala sa kanilang katawan, ayon sa Parang Municipal Police Station.

Sugatan naman sa pamamaril si Melody Belarmino Madiral, 27, dalaga, taga-Carmen, North Cotabato.

Sa paunang imbestigasyon ng pulisya, dakong 11:14 ng umaga nang maganap ang insidente sa Rizal Avenue, Parang Public Market, Brgy. Poblacion 2 sa Parang.

Probinsya

Catanduanes, niyanig ng magnitude 6.1 na lindol

Sa closed-circuit television (CCTV) camera na inilabas ng pulisya, kitang-kitang ang dalawang suspek na pinagbabaril ang kotse ng mag-asawa.

Pagkatapos ng pamamaril, kaagad na tumakas ang dalawang suspek, dala ang ginamit na baril.

Kaugnay nito, bumuo na ng special investigation task force ang pulisya na magsasagawa ng imbestigasyon sa ikatutukoy ng dalawang suspek.

Nanawagan din ang pulisya sa publiko na makipagtulungan sa ikareresolba ng kaso.