Naiintriga ngayon ang mga netizen kung bakit nag-unfollow sa Instagram accounts ng isa't isa ang celebrity couple na sina Jerome Ponce at Sachzna Laparan.

Mas lalo pa itong umigting nang maglabas ng vlog si Sachzna na may pamagat na "Docuweek" kung saan idinetalye niya ang mga pinagdaraanan.

"Yung week na ipinakita ko sa inyo, parang mga nasa 20% or 30% pa lang 'yan. Ang dami kong ginawa while in pain and struggle," makahulugang pahayag ni Sachzna.

Dagdag pa niya, napagnilayan daw niyang hindi lahat ng tao ay laging nariyan sa iyong tabi. Kailangan daw maging handa sa lahat ng pagkakataon, subalit sa puntong ito ay hindi raw siya nakapaghanda.

‘Immortal love?’ Enrile at misis nagdiwang ng 67th wedding anniversary

May eksena pa sa vlog na tila nagka-crayola bells siya at may cryptic na tanong sa ina kung saan ba siya nagkulang.

"Wala kang ginawa anak. Nagmahal ka, minahal mo nang totoo. Iyon lang 'yon." pampakalma ng ina.

Hindi raw mailabas ni Sachzna sa publiko ang kaniyang pinagdaraanan kaya naman nagpakasubsob siya sa iba't ibang gawain para maging abala ang kaniyang isip.

Sa kabuuan din ng vlog ay kapansin-pansing hindi ipinakita o hindi man lamang binanggit ang boyfriend.

So tanong ng bayan, para ba kay Jerome ito?

Wala pang tugon, reaksiyon, o pahayag ang aktor tungkol dito.