Magkakayakap pa umanong nadatnan ang bangkay ng isang pamilya sa Pozorrubio, Pangasinan, matapos matupok ng apoy ang kanilang tahanan nitong Lunes, Abril 3.

Ayon sa mga ulat, patay sa sunog ang mag-asawa, na kinilala bilang Mark at Dixie Villanueva, at tatlo nilang anak na nasa anim, dalawa, at isang taong gulang pa lamang.

Sa inisyal na imbestigasyon ng mga awtoridad, isang e-bike na napabayaang naka-charge sa garahe ng bahay ng pamilya ang siyang pinagmulan ng sunog.

Dahil sa lakas ng apoy, umabot din umano ito sa dalawa pang kalapit bahay at naapula lamang matapos ang mahigit dalawang oras.

Probinsya

Catanduanes, niyanig ng magnitude 6.1 na lindol

Samantala, nagpahayag ng pakikiramay ang non government organization na Leknaan Ya Pozorrubio, Inc. (LYP) sa sinapit ng pamilya.

"GONE TOO SOON | Rest in paradise, De Guzman-Villanueva Family. You will be missed," anang LYP.

"Our sympathy and heartfelt condolences to the bereaved relatives especially to Ma'am Josephine Lata who is an active member/volunteer of LYP," dagdag nito.

Nanawagan din ang organisasyon ng donasyon para sa iba pang mga nabiktima ng nasabing sunog.